Walang trapik kapag strike

SIYEMPRE, sasabihin natin sa ating mga sarili na, wala yung mga magugulong jeep sa kalye.

Tapos, may militanteng trapo pa dyan na hihirit ng “kawawa naman ang mga pasahero, hirap na naman sila sumakay!”

Pero itong nakaraang linggo, kung kailan halos buong linggo ay may strike, kapansin-pansin na madami pa ring jeepney sa kalye na pumapasada. Ang kaibahan, hindi sila magulo sa daan at maayos sila sa trapik.

Medyo nagtaka ako rito at napahinto ako sa may Philcoa sa QC para umusisa sa mga jeepney driver doon.

Nalaman ko na halos lahat silang pumapasada kahit nagtawag ng strike ang mga kasama nila ay pawang nangangailangan maghanapbuhay dahil yun lang ang trabaho nila.

Tinanong ko na din sila kung bakit maayos ang pila at maneho nila ngayon at ang sagot nila – “di naman namin kailangan magunahan, madaming pasahero, kasya sila sa mga dyip namin.”

At totoo nga. Maayos na nakapila ang mga pasahero sa Philcoa terminal, maayos na sumasakay sa mga dyipney na maayos ding nakapila.

Hindi din sila naguunahan sa pasada, dahil napupuno naman sila kahit naunahan sila ng ibang dyipney.

Sa aking palagay, ang mga sumama sa strike ay yung mga barumbado at walang disiplinang jeepney driver. Kaya nga sila nandun sa strike dahil gusto lang nila manggulo, tulad ng panggugulo nila pag pumapasada sila.

I think dapat na silang permanenteng mag-strike, forever.

Napansin ko din na kaya nung natirang jeepney na pumapasada ang kargada ng pasahero sa kalye at sobra lang talaga ang binigyan ng jeepney franchise ng LTFRB.

Sinabi din sa akin ng kausap kong jeepney driver, na kung may pambili lang sila, ibabasura na nila ang mga bulok nilang jeepney at lilipat na sila sa modernong PUV. Komportable daw sa driver at mas gusto ng pasahero. Madalas nga daw iniisnab na silang jeepney kung may modern PUV na malapit o padating.

So, tama ang pamahalaan, panahon na i-modernize ang public transport natin ay after ang mga driver at pasahero na nakausap ko. Yung noisy but violent minority lang ang isang problema.

Pero ang pinakamalaking problema ay ang halaga na kailangan ilabas ng mga driver para makabili ng bagong PUV.

Problema din ang pinapatupad na cooperative system sa kanila, dahil muling namumuno ang mga old guards ng jeepney operators syndicate sa kooperatiba na nagiging dahilan para bumalik sa dating gawi ang sistema.

Gusto ng mga driver na sila na ang may-ari ng jeepney nila, wala na ang mapang-aping boundary system at tamang routing system para madami ang pasada at kita.

Sa LTFRB, napakahirap bang pakinggan at sundin ang mga hiling na ito?

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...