HINDI man niya natapos ang kabuaan ng Philippine Basketball Association (PBA) Season 43 at muli lamang nakapaglaro ngayong 2019 Governors’ Cup, siniguro ni NLEX Road Warriors guard Kiefer Ravena na bongga ang pagbabalik niya sa pro league.
Hindi kinalawang ang laro ng NLEX combo guard matapos ang mahabang bakasyon bunga ng ipinataw na suspensyon ng FIBA sa ipinamalas na solidong paglalaro at pagtala ng mga impresibong numero para sa wala pang talo na Road Warriors sa season-ending Governors’ Cup.
At sa kanyang ikatlong laro matapos magbalik buhat sa 18-month suspension, kumana si Ravena ng season-high 25 points na nilakipan niya ng 5-of-8 shooting mula sa 3-point range para sa Road Warriors na pinataob ang Blackwater Elite, 115-109, sa kanilang laro na ginanap sa Santa Rosa Multi-Purpose Complex sa Santa Rosa City, Laguna nitong nakaraang Linggo.
Sinamahan pa ito ng 25-anyos na dating Ateneo Blue Eagles playmaker ng tig-pitong rebound at assist para sa NLEX na umangat sa itaas ng team standings sa hawak na 3-0 record.
Kaya naman sa dalawang sunod na panalo ng Road Warriors sa playing period na Setyembre 23 hanggang 29, si Ravena ay nagtala ng mga average na 20.0 puntos, 7.0 rebound at 7.5 assist para kilalanin bilang PBA Press Corps-Cignal Player of the Week.
Si Ravena ay nagtapos na may 15 puntos, pitong rebound at pitong assist para sa Road Warriors na nag-uwi ng 105-99 pagwawagi kontra Meralco Bolts noong Setyembre 25 bago ang salpukan nila ni Bobby Ray Parks at Elite.
Maliban kay Ravena kinonsidera rin para sa lingguhang parangal ang kanyang mga kakampi na sina JR Quinahan at Kenneth Ighalo, ang mga San Miguel Beermen na sina Alex Cabagnot, Arwind Santos at June Mar Fajardo, ang mga ng TNT KaTropa na sina Jayson Castro, Roger Pogoy at Don Trollano, Ian Sangalang ng Magnolia Hotshots at Phoenix Pulse Fuelmasters swingman Matthew Wright.