HIHILINGIN ng Metropolitan Manila Development Authority sa mga mall na nasa Edsa na magbukas ng tanghali ngayong papalapit na ang Pasko.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager Jose Campo, hihilingin ng ahensya sa mga mall na magbukas ng alas-11 ng umaga upang hindi sumabay ang mga pupunta sa kanilang establisimento sa pagpasok ng mga empleyado.
Sa pagdinig ng House committee on transportation, sinabi ni Campo na bahala na ang mall management kung hanggang anong oras ang operasyon nito.
Sinabi naman ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal nanagpasabi na siya sa mga airline companies na sundin ang departure time ng kanilang mga eruplano upang maiwasan ang congestion sa mga paliparan ngayong holiday.
Magdaragdag naman ng biyahe ang Philippine National Railways simula sa Nobyembre 15 at gagawing alas-8:30 ng gabi ang last trip ng kanilang tren sa halip na alas-7:30.