Star City sinadyang sunugin?

INIIMBESTIGAHAN pa ang pinagmulan ng sunog sa Star City sa Pasay City, na natupok kahapon ng umaga, ayon sa Pasay City Fire Station.

Ani Pasay City Fire Marshall Supt. Paul Pili, naapula ang sunog na tumupok sa halos kabuuan ng amusement park alas-2 ng hapon

Nang tanungin kung arson ang nasa likod ng sunog, sinabi ni Pili na kanila pang iniimbestigahan ang insidente.

“This can be easily assumed by the public considering how large the fire was,” aniya.

Bago iyon ay sinabi ni Pili na isang kahina-hinalang Twitter post ang ipinakita sa kanila ng dating ballet dancer na si Lisa Macuja, asawa ng may-ari ng amusement park na si Fred Elizalde.

Base sa post: “Star City will die.”

Nagtataka rin umano ang mga bumbero kung bakit tila sabay-sabay nagsimulang nasunog ang iba’t ibang bahagi ng Star City.

Bukod sa arson, posible rin umanong problema sa kuryente ang sanhi ng sunog.

Samantala, sinabi ni Bureau of Fire Protection spokesperson Chief Insp. Jude delos Reyes na nagsimula ang apoy sa stockroom ng amusement park kung saan nakaimbak ang light materials alas-12:22 ng umaga.

Maliban sa Star City, nasunog rin ang
sister company nito Manila Broadcasting Co. na nago-operate ng radio station DZRH.

Dahil sa insidente, bumagsak ang bubungan ng Snow World attraction at nasira rin ang Star Theater.

Wala namang nasugatan sa pangyayari.

Pangako naman ng pamunuan, muling magbubukas ang amusement park.

“We’re targeting reopening about October next year. It’s necessary because the importation of rides takes time and the set-up of the park also,” ani Atty. Rudolph Steve Juralbal, vice president for legal affairs ng Elizalde Group of Companies.

Read more...