Community Volleyball Association hahataw sa Oktubre 27

ANG mga opisyales at manlalaro ng mga kasaling koponan sa Community Volleyball Association (CVA) na dumalo sa ika-42 edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila. EDWIN BELLOSILLO

RARATSADA na ang paghahanap sa mga susunod na kabataang volleyball stars ngayong Oktubre 27.

Hahataw na kasi ang Community Volleyball Association (CVA), ang pinakabago at pinakamainit na pinag-uusapang nationwide volleyball league sa bansa, na isasagawa ang unang Open Conference at 18-under developmental tournaments sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

May kabuuang 11 koponan, anim sa Open at lima sa 18-under developmental division, ang sasabak sa community-based women’s volleyball tournaments na inorganisa ni Community Basketball Association (CBA) founder Carlo Maceda katuwang si Alvin Tañada bilang tournament director.

“With the growing popularity of volleyball in the country, the CVA is an ideal venue for young and talented players to showcase their skills,” sabi ni Tañada sa ika-42 edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

“With live TV coverage, we are confident of achieving our purpose of uplifting grassroots development program through a high-standard competition platform and bringing the sport closer to the people,” sabi pa ni Tañada, na sinamahan ni dating Ateneo Lady Eagles standout at ngayon ay deputy tournament director Marge Tejada.

Nakataya sa torneo ang P1 milyong premyo sa Open Conference champion at P250,000 naman sa 18-under titlist.

Sinabi ni Tejada, na naging kakampi ni Alyssa Valdez sa Ateneo, na ang pambungad na season ng CVA, ay kapapalooban ng kapana-panabik na salpukan ng mga pangunahing koponan sa bansa.

Ang ilan sa mga nagkumpirmang kasali na koponan sa Open Conference ay ang Philippine Air Force, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Binangonan at Rizal.

Sa 18-under, lalahok naman ang Gracel Christian, St. Mark’s, Quezon City, Biñan (Laguna) at General Trias (Cavite).

Ang torneo ay pamamahalaan ng One United Volleyball Referees Association (1-UVRA) na kabibilangan ng mga referee mula sa Philippine Volleyball Federation (PVF) at Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI).

Dumalo rin sa lingguhang sports program na suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), CBA at HG Guyabano Tea Leaf Drinks sina Gracel Christian College sports director Judel Guiraldo at mga manlalaro nitong sina Kat Galedo at Akisha Saberon at St. Mark’s Institute head coach Owen Patdu at mga players nito na sina Aizzelle Patdu at Irish Claire Labay.

Sinabi naman ng mga 18-under players na sina Galedo, Saberon, Patdu at Labay na handa na silang ipamalas ang talento sa CVA.

Read more...