Alden mala-FPJ ang epek sa The Gift: Laban Sep, kapit lang!

ALDEN RICHARDS

Apektado ang mga fans sa papel na ginagampanan ng kanilang idolo sa pelikula at mga serye. Hindi nila agad naihihiwalay ang palabas lang sa katotohanan.

Mababasa ang mga komento ng mga tagahanga ni Alden Richards sa social media dahil sa daloy ng kuwento ng The Gift ay nabaril sa ulo ang bumibidang si Joseph at agaw-buhay sa ospital.

Nakakatuwa ang kanilang mga komento kahit hindi naman sa totoong buhay ‘yun nagaganap, ang sabi ng isa, “Lumaban ka, Sep! Hawak lang, huwag kang bibitiw! Laban lang nang laban!”

Siyempre’y hindi mamamatay ang bida ng serye, pahihirapan lang muna siya sa simula na parang sa mga pelikula ng Hari Ng Aksiyon na si FPJ, pero nasa bandang huli ang tagumpay.

Pero may isang eksena sa The Gift na tumatak sa aming panonood. ‘Yun ang kuwento ng kariton ng ina-inahan ni Sep na si Aling Strawberry (Jo Berry), ginawa niya ang kariton nito na ginagamit sa pagtitinda ng mga prutas, napakaganda ng eksenang ‘yun.

Sabi ni Sep, “Nanay, nilagyan ko po ng hagdan ang kariton n’yo, dahil bata pa lang ako, e, kayo na ang umaalalay sa akin. Ngayon, ako naman.

“Nilagyan ko rin po ng kutson ang kariton n’yo, kasi, mula nu’ng maliit pa ako, mas pinili n’yo nang matulog sa banig para ako ang nasa kutson.

“At nilagyan ko rin po ito ng bubong. Kayo na po kasi ang nagbigay ng bubong sa akin mula nu’ng bata pa ako,” simple pero maemosyong dayalog ni Sep.

Ang ganda-ganda ng tagpong ‘yun na iniyakan ni Aling Strawberry, isang eksena ‘yun na nagpapalutang sa pagtanaw ng utang na loob ng isang ampon sa kumupkop sa kanya, napakagandang katotohanan at leksiyon ng buhay.

Mapuso ang The Gift. Hindi lang ang kaguwapuhan ng Pambansang Bae ang ibinebenta ng serye.

Makabuluhan ang ikot ng kanyang kuwento ng pagmamahalan ng mga taong ni walang gapatak na dugong ugnayan.

Read more...