MAGANDA ang adhikain ng businessman-musician na si Khen Magat na isang magaling na Fliptop rapper at ngayon ay isa na ring recording producer.
Nagtayo na rin ng sarili niyang record label at talent agency si Khen, ang A Tune Music, ito’y para ibandera sa buong mundo ang talento ng iba pang Pinoy pagdating sa pagkanta, pagpe-perform at siyempre ang pagra-rap.
Kamakailan, ipinakilala na ni Khen ang unang batch ng A Tune talents na kinabibilangan ng Kapuso child star na si Alliah at si Shane. Present din sa presscon ang Jamajesty, si Trichea at sina Efraim, Axcel at ang trio nina Blasty, Crainzee at Spank.
In fairness, talagang may ibubuga sa pagkanta ang mga alaga ng A Tune Music, lalo na pagdating sa pagra-rap. Pinalakpakan din nang bonggang-bongga si Khen nang magpasampol siya sa harap ng entertainment media ng ilan niyang hit rap songs, kabilang na ang “Wag Ako” featuring Shane.
“With the artists that we are promoting and pushing now, sigurado naman kami sa musikang maririnig nila sa different social media platforms na may kabuluhan at magiging inspirado ang mga kabataang makaririnig sa musika hindi lang nina Shane at Aaliyah kundi ng marami pa,” pahayag ni Khen na naging champion noong 2003 sa Andrew E’s Philippine Rap Olympics kasama ang grupo niyang Serpientes.
Malaki ang naging impluwensiya ni Andrew E sa musika ni Khen dahil halos buong singing career niya ay kasama ang magaling na rapper-comedian. Halos lahat ng album na ginawa ni Andrew ay nakasama siya kaya napakalaki ng utang na loob na tinatanaw niya rito.
Saludo naman ang press sa advocacy ng rapper-record producer para sa “drug-free” music industry lalo na sa rap and flip top world. Nais niyang mabago ang imahe ng mga rapper sa bansa na kadalasang napagkakamalang mga adik dahil sa porma at hitsura.
Sa nasabing presscon, natanong si Khen kung ano ang reaksiyon niya sa pagkakaaresto ng pulisya sa kapwa niya rapper na si Loonie dahil sa pagkakadawit ng pangalan nito sa isyu ng droga.
Ayon kay Khen, sa pagkakakilala niya kay Loonie, hindi siya naniniwalalang drug pusher ang musikero matapos ngang mahulihan ng marijuana.
Pero inamin naman niya na marami siyang nakikita na hindi nakikita ng mga pangkaraniwang tao, “Kaya lagi akong talo sa fliptop battle ay dahil wala akong bisyo.” Reading between the lines, nais sabihin ni Khen na totoong may mga nagbibisyo pa rin sa mundo ng rap at fliptop battle.
Present din sa mediacon ng A Tune Music ang Kapuso comedian na si Diego Llorico, ng Bubble Gang para suportahan ang kaibigan niyang si Khen. Nakiusap ito sa members ng press na tulungan ang batambatang record producer at talent manager para maibandera ang talento ng kanilang mga bagong alaga.
Last Sept. 27, nagpakitag-gilas ang A Tune Music talents sa matagumpay na Rap For A Cause. Abangan ang mga susunod nilang projects sa pamamagitan ng social media accounts ng A Tune.
For inquiries, tawag lang kayo sa A Tune Music Production, 0916-6767203 o mag-email sa atunemusicphilippines@gmail.com.