SA “Sampu Sample” 10th anniversary presscon ng It’s Showtime ay natanong si Vice Ganda tungkol sa pag-iyak nila ni Ion Perez matapos magpalitan ng “I love you” sa isang episode ng kanilang noontime show.
Totoo bang nag-celebrate na sila ng kanilang monthsary nitong Set. 25? Sagot ng TV host, “Unang-una masaya ang puso ko araw-araw. At wala (silang monthsary) dahil hindi naman 25 ang monthsary namin.”
Nag-post kasi si Vice ng litrato nila ni Ion sa Instagram kung saan magka-holding hands sila ng binata sa nakaraang Star Magic All Star Games 2019 noong Agosto 25.
Ang caption niya sa kanyang IG photo ay, “Everybody deserves to love and be happy. Everybody includes YOU and ME.” Umani ng libu-libong likes at comments ang litrato ng rumored couple.
Kinlaro rin ni Vice na hindi nakatira sa bahay niya si Ion, at hindi sila nagli-live in. Nagbiro naman si Jhong Hilario na katabi ni Vice sa presscon, “Hindi nakatira, nagre-rent lang. Ha-hahaha!”
Na agad namang sinagot ng komedyante, “Uy hindi ako nagpapabayad, mamaya nga magbayad ‘yun ma-offend ako! Ha-hahaha!”
At dahil selebrasyon naman ng ika-10 anibersaryo ng Showtime ay isa sa inaabangan ng madlang people ay ang pag-amin ng tambalang Vice at Ion sa tunay nilang relasyon.
“Alam n’yo walang ganyang magaganap, bakit kailangan nakawin ang anibersaryo ng show. Actually, napa-flatter ako, overwhelmed ako na ang daming masaya na masaya ako,” aniya pa.
Samantala, inamin din ng komedyante na dahil sa sobrang closeness nilang mga host ng Showtime ay napag-usapan nilang magkaroon sila ng pelikula pero sa kabilang banda ay naisip din niyang hindi ito kikita.
“Ang iniiwasan kasi namin ‘yung same experience, kasi nae-experience na ito araw-araw nang libre tapos gagawin mong pelikula na pagbabayarin mo ‘yung tao. Pag tinatanong nila ako, sabi ko, feeling ko hindi maghi-hit kasi napapanood na ‘yan nang libre, araw-araw.
“Ang laki ng pressure na kailangang gumawa ka ng ibang-ibang material doon sa araw-araw nating ipinapakita.
“Sa amin nga lang ni Anne (Curtis), ang laki ng pressure na dapat iba ‘yung ginagawa namin sa pelikula kaysa sa ginagawa namin everyday sa Showtime, ‘yung harutan, ‘yung okrayan namin na kailangan iba ‘yung ipapakita sa December (MMFF 2019), e, di lalo pa siguro kung buo kami.
“Yun ang iniiwasan namin, ‘yung repeated experience, same experience kaya we have to find a way to create a material na different from what have been experiencing for the past 10 years.
“Saka mas maganda ‘yung exclusive na napapanood ninyo sa amin sa Showtime everyday para sa akin lang, ako lang naman ito,” mahabang paliwanag ng TV host.
At dahil anibersaryo na nga ng programa, muling hahataw ang “Magpasikat”. Ang magkakagrupo this year ay sina Anne Curtis, Amy Perez at Bidaman Top 6; Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ate Girl Jackie, Ion at Stephen; sina Karylle at Ryan Bang ang magkagrupo ngayong taon kasama ang Girltrends. At dahil wala si Mariel Rodriguez, si Vhong Navarro lang ang makakasama ng Hashtags habang makakagrupo naman ni Vice ang Miss Q & A Top 3 queens ng dalawang seasons.
Sa loob ng 10 taon ay maraming sumikat sa mga kumpetisyong hatid ng Showtime tulad ng XB GenSan at muli ring ilulunsad ang segments kung saan unang nakilala ang world-class champions gaya ng El Gamma Penumbra, Fourth Impact, Rachel Gabreza at TNT Boys pati na ang Kapamilya stars na sina Onyok Pineda, Chunsa Jeung, Esang de Torres, GT, Hashtags at ang bagong Darna na si Jane De Leon.