‘Kayang pahintuin ni Alden ang ikot ng mundo’


NU’NG Biyernes nang gabi ay ipinalabas ang eksenang nabaril ang bida ng The Gift na si Alden Richards.

Agaw-buhay si Joseph, nag-iiyakan ang mga nagmamahal sa kanya, pero siyempre’y hindi mamamatay ang bida.

Nu’ng Sabado nang gabi ay dinala namin ang Pambansang Bae sa San Rafael, Bulacan sa imbitasyon ng aming kaibigang si Tita FLory Estrada.

Sabi sa kanya ng isang tagahanga, “Akala ko, e, hindi ka makararating sa fiesta namin, kasi, nabaril ka kagabi!” Isang napakasarap na maraming salamat po ang naging tugon ni Alden, napakasarap nga naman nu’n sa pandinig, malinaw na sinusubaybayan ng mga kababayan natin ang kanyang serye.

Panahon ngayon ni Alden Richards. Kaya niyang pahintuin ang ikot ng mundo ng mga kababayan natin sa pagkakita pa lang sa kanya. Mabait talaga ang kapalaran sa mga taong walang pretensiyon at sinsero sa kanilang mga ginagawa.

Sa pagdating pa lang ni Alden sa farm ni Tita Flory kung saan kami naghapunan hanggang sa pauwi na siya ay napakainit na pagtanggap at pagmamahal ang tinanggap niya mula sa mga taga-San Rafael.

Napakalaki ng nagawa-nadagdag sa kanyang career ng matagumpay nilang tambalan ni Kathryn Bernardo sa “Hello, Love, Goodbye,” tinanghal siyang Box-Office King, siya rin ang may hawak ng posisyon ngayon bilang isa sa pinakamahalagang aktor ng kanyang panahon.

“Napakabait na bata,” tanging nasabi ni Tita Flory. Wala kasing kapaguran si Alden sa pagpaparetrato sa mga fans, nangangailangan na siya ng pahinga dahil kababalik lang niya mula sa isang show sa Tawi-Tawi, pero ni katiting na pagkabagot ay wala kang mararamdaman sa pakikitu-ngo ni Alden sa kahit kaninong lumalapit sa kanya.

‘Yung kabaitan niyang ‘yun, ang pagiging humble niya, ang kaguwapuhang kinakikiligan sa kanya ng buong bayan ang ilan lang sa mga puhunan ni Alden Richards sa tagumpay na kipkip niya ngayon.

Maraming-maraming salamat kina Carlites at Tenten, dalawang taong nagmamahal-namamalasakit sa Pambansang Bae, sa pagkakataong ibinigay nila para makita nang personal sa San Rafael, Bulacan ang kanilang alaga.

Mabuhay kayo!

Read more...