Cariño, Esguerra, ABS-CBN News digital pinarangalan sa RCM, CMFR, SOPA


UMANI ng parangal ang mga mamamahayag ng ABS-CBN na sina Christian Esguerra, Jorge Cariño, at ang ABS-CBN News Digital team mula sa mga lokal at internasyonal na organisasyon dahil sa kanilang ipinamalas na galing sa pagbabalita.

Ginawaran si Esguerra ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ng 2019 award of distinction para sa kanyang walang pagod na pagpapaliwanag sa mga pangyayari at isyu na kinahaharap ng mga Pilipino.

Isang anchor sa ABS-CBN News Channel (ANC) si Esguerra, na lumalabas din sa iba’t ibang newscast ng ABS-CBN. Gumagawa rin siya ng maiikling video para sa proyektong “NXT” ng ABS-CBN News na naghihimay sa mga maiinit na usapin sa lipunan.

Noong Hunyo naman tinanggap ng beteranong reporter at anchor ng Umagang Kay Ganda na si Jorge Cariño ang Television Male Reporter of the Year award mula sa Rotary Club of Manila (RCM).

Taun-taong nagsasagawa ang RCM ng Journalism Awards para kilalanin ang mga kontribusyon ng mga natatanging indibidwal sa media upang himukin ang maayos na pag-unlad ng periyodismo sa bansa.

Nagsimula si Cariño bilang Radyo Patrol reporter sa DZMM at nakilala sa kanyang malikhaing paglalahad ng mga istorya sa likod ng malalaking balita sa bansa.

Hindi rin nagpahuli ang ABS-CBN News Digital na pinarangalan sa Society of Publishers in Asia (SOPA) 2019 Awards for Editorial Excellence sa Hong Kong noong Mayo.

Nakakuha ng Honorable Mention ang mga multimedia special report na “Stories From Under the Rubble: Inside the Battle of Marawi at “The Boracay Project,” na likha ng team sa pangunguna ni Fernando Sepe, Jr. kasama sina Pamela Ramos, Gigie Cruz at Regie Francisco.

Bahagi rin ng Marawi report sina Jonathan Cellona, Val Cuenca, Gian Carlo Roman, Dominic Menor, Jojo Malig, Isagani de Castro, Jr., at ang sumulat nito na si Patrick Quintos. Para naman sa Boracay Project, kasama ring gumawa nito ang writer na si Katrina Domingo, at mga editor na sina Menor at De Castro.

Abangan ang mga kwento mula sa award-winning journalists ng ABS-CBN sa TV sa ABS-CBN, ANC, DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo, at online sanews.abs-cbn.com, patrol.ph.

Read more...