MUKHANG naipamalas na ni Raymond Almazan ang puwede niyang gawin para sa Meralco Bolts.
Ito ay matapos tulungan ni Almazan ang Bolts na makabangon buhat sa 16-puntos na paghahabol sa paghulog ng go-ahead 3-pointer sa kanilang 98-92 pagwawagi kontra defending PBA Governors’ Cup champion Magnolia Hotshots noong nakaraang Sabado.
Ang 6-foot-8 bigman na si Almazan ay gumawa ng 19 puntos at 13 rebound sa kanyang unang laro matapos na sumabak sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Ang kabayanihan sa huling bahagi ng laban ng 30-anyos na center, na nakuha sa isang trade mula Rain or Shine Elasto Painters sa nakalipas na Commissioner’s Cup, ay naging daan para mapili siya bilang kauna-unahang Cignal-PBA Press Corps (PBAPC) Player of the Week awardee para sa season-ending tournament.
Tinalo ni Almazan ang mahusay na rookie na si CJ Perez ng Columbian Dyip sa naging dikitang botohan para sa lingguhang parangal.
Si Perez, na nagpamalas ng matinding paglalaro para sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup, ay nagtala ng mga average na 25.0 puntos at 11.5 rebound sa unang dalawang laro ng Dyip ngayong kumperensiya.
Maliban kina Almazan at Perez may limang iba pang manlalaro ang lumaban para sa lingguhang parangal na ibinoboto ng mga miyembro ng media group na regular na kumukober sa PBA beat.
Kabilang sa mga nominado sa nasabing parangal sina NorthPort Batang Pier rookie Robert Bolick, NLEX Road Warriors guard Kiefer Ravena, Barangay Ginebra Gin Kings center Greg Slaughter, Rain or Shine guard Rey Nambatac at Meralco guard Chris Newsome.