Kyline bata pa lang binu-bully na; binastos sa mall show

MIGO ADECER AT KYLINE ALCANTARA

MATINDING pambu-bully din ang naranasan ng Kapuso singer-actress na si Kyline Alcantara noong kabataan niya.

At hindi lang mga kaedad niya ang nanglalait sa kanya noon ha, kundi pati na ang mga magulang ng mga batang nakakasabay na sa mga auditions at go-see.

Kaya talagang relate na relate siya sa kanyang launching movie na “Black Lipstick” na kung ilarawan niya ay isang “millennial fairytale” mula sa Obra Cinema na tumatalakay sa lumalalang problema sa bullying lalo na sa social media.

Kuwento ni Kyline sa presscon ng “Black Lipstick”, nagsisimula pa lang siyang mag-extra-extra sa mga commercial at modelling ay nakaranas na siya ng pambu-bully.

“May mga nagsasabi sa akin, ‘Broken family ka naman, hindi ka magandang example para sa mga kabataan.’ Ang dami pong gumaganu’n sa akin,” lahad ni Kyline na may malalim na hugot din noon sa kanyang tatay.

Halos 10 years kasi silang pinabayaan ng ama kaya galit siya noon at hindi niya ito mapatawad, “Noon po kasi, hindi ko naintindihan at mabilis akong naapektuhan dahil totoo po naman na broken family ako.

“And back then, hindi ko pa po accepted. But right now, pag bina-bash po ako at pag binu-bully po ako online, hindi na ako naaapektuhan. Kasi, I know myself and mahal ko yung sarili ko.

“Right now, it made me stronger as a person and as artista, lahat na pamba-bash sa akin. Kasi, alam ko naman kung ano yung hindi ko nagawa at nagawa ko du’n sa mga bina-bash sa akin,” pahayag pa ni Kyline.

Very open naman ang Kapuso actress sa personal niyang buhay at nagpapasalamat siya na nabuo na uli ang kanyang pamilya. Nagbalikan na ang kanyang mga magulang kaya mas tumibay pa ang samahan ng kanilang pamilya.

Sa nasabi ring presscon naikuwento ni Kyline ang pambabastos sa kanya ng isang grupo habang nasa isang mall show sa Iloilo, “Nasaktan po ako dahil nabastos po ako nang sobra roon.

“But, I’m happy na nangyari po sa akin yun, kasi leasson learned and it made me stronger, e. Nakilala ko yung sarili ko, at minahal ko yung sarili ko, at alam ko naman po yung nagawa at hindi ko nagawa dun sa mga sinasabi nila. Kumbaga, deadma na lang po,” pahayag ng dalaga.

Dito rin nilinaw ni Kyline ang issue sa kanila noon ng isa pang Kapuso actress na si Bianca Umali na nagsimula sa serye nilang Kambal Karibal. Aniya, never siyang inaway ni Bianca at maayos ang relasyon nila ngayon.

“May mga iba po kasi talaga na kapag nasasabihan mo ng kuwento ay naniniwala agad. We’re both happy in our careers, and alam naman po namin yung katotohanan, e, and positive lang talaga kami lahat.

“Ang dami pong nakikita kami na alam nila yung isyu. Ipinakikita namin sa kanila na wala ‘yun sa amin,” paglilinaw pa ni Kyline.

Samantala, proud na proud si Kyline sa “Black Lipstick” dahil nga sa pagiging advocacy movie nito kontra bullying, sigurado raw maraming matututunan ang mga kabataan pati na ang mga magulang sa ipinaglalaban nila.
Makakasama rin sa movie ang mga Kapuso stars na sina Manolo Pedrosa at Migo Adecer, with Kate Valdez, Angel Guardian, James Teng at Thia Thomalla, directed by Julius Alfonso.

Showing na sa Oct. 9 ang “Black Lipstick” nationwide.

Read more...