BAKIT nga ba Sandugo ang titulo ng bagong teleserye nina Aljur Abrenica at Ejay Falcon? Kambal kasi ang karakter ng dalawang aktor na nahiwalay sa isa’t isa at naging mortal na magkaaway noong lumaki na.
Si Cherry Pie Picache ang gaganap na nanay ng kambal at kasalanan niya kung bakit nagkahiwalay ang mga anak.
Napunta kina Vina Morales at Gardo Versoza si Aljur na pinalaking matapang, matigas ang puso dala na rin ng galit dahil ipinamigay siya hanggang sa mapasok sa mga ilegal na gawain.
Naiwan naman kina Cherry Pie at Ariel Rivera ang sakiting anak na si Ejay na lumaking mabait, masunurin sa magulang at naging mahusay na NBI agent. Kaya asahan na ang umaatikabong bakbakan nina Aljur at Ejay sa serye.
Tinanong namin ang creative head ng Sandugo na si Reggie Amigo kung bakit kapag may triplets at kambal sa kuwento ay parating si Cherry Pie ang kinukuhang nanay. Natawa ang aktres sabay turo sa kanyang balakang, “E, powerful ang bahay bata ko. Powerful ang matris ko.”
Sabi rin ni Ms. Reggie, “Kita naman, (turo rin kay Cherry Pie) di ba?”
Kung sabagay, nakasanayan na rin ng manonood na kapag magkakamukha ang mga anak ay si Ms. Pie ang naiisip na nanay. Kayo ba dear readers, may iba pa ba kayong naiisip na gumanap na nanay ng kambal o triplets?
Samantala, natanong ang cast members ng Sandugo kung ano ang pinakamahirap na eksenang ginawa nila sa serye.
Ani Vina, “Hardest scene was after kong sumayaw sa club (dancer) at nalaman kong namatay ‘yung anak ko (sa sunog). Pumunta ako sa bahay namin, napakahabang iyakan nu’n at tuluy-tuloy ‘yun. So far iyon ang pinakamahirap na nagawa kong eksena in the span of four weeks.
Sabi naman ni Gardo, “’Yung sa akin kapag pumapatay ng tao. ‘Yun ‘yung mahirap gawin kung malayo sa personalidad mo. So, hindi naman ako pumapatay ng tao sa totoong buhay. Grabe (ako manakit), kasi sinukluban ko ng supot hanggang hindi makahinga at mamatay.” Biglang nagtawanan ang mga kasama niya sa serye dahil na-reveal na ng aktor ang eksenang wala sa trailer.
Lahad naman ni Ariel, “Sa akin always the hardest scene is paglagpas ng 2 a.m. (tawanan uli ang lahat), it’s the hardest,” sabi ulit ng aktor. Ang binabanggit nito ay ang tungkol sa mga eksenang ginagawa niya niya bilang ama ng kambal.
Para naman kay Cherry Pie, “I think, pinakamahirap sa akin ‘yung haharapin ko na ang asawa ko (Ariel) tapos sasabihin ko na sa kanya ‘yung ginawa ko (ipinamigay ang isa sa kambal).”
Sabi naman ni Elisse Joson, “Siguro po ‘yung scenes with the mom, binabalikan ‘yung back story nu’ng character ko. Hindi pa naman masyadong pinag-uusapan ‘yung pinanggalingan. Feeling ko po ‘yun kasi siyempre may kirot sa puso. “And other than that lahat ng scenes na feeling ko mayroong connection with the boys, siyempre in the beginning that was hard kasi bagong nakakatrabaho so, kailngan talaga you connect with the person hindi ‘yung may iisipin kang iba kasi so far ngayon, kaya (ko) na.” Nasanay kasi si Elisse na may ka-loveteam (McCoy de Leon) kaya nanibago siya.
Pahayag ni Jessy Mendiola, “Challenging po ang role kasi first time kong mag-portray ng gray character. Hindi ko pa po sila (Aljur at Ejay) nakakaeksena, mayroon pong sariling storyline ‘yung sa akin bago pa ako mapunta sa kanila. Siguro po medyo mahirap kaeksena ang sarili mo (tawanan ang lahat), totoo po ito literal. Abangan po nila kung ano ‘yung mangyayari sa karakter ko na magiging palaban ako.”
At dahil pinipilit pang magbigay ng iba pang detalye si Jessy kaya nabanggit niyang, “Kasi mari-rape po ‘yung character ko at mahirap po ‘yun.”
Para naman kay Aljur, “Marami po kaso hindi po kasama sa trailer. Siguro ‘yung I’m trying to get my father’s approval. ‘Yung sa ilalim ng tulay, ‘yung sa damuhan.”
Ito naman ang sabi ni Ejay, “Parang lahat naman ng eksena ko (mahirap) kasi umaarte ka, nagda-dialogue ka at the same time nag-a-action ka, so magkaiba physically at emotionally. Maraming eksenang ganu’n. Hindi ko kasi puwedeng sabihin, wala sa trailer. Pero ang mahirap talaga ‘yung nakita ko ‘yung taong nagbenta sa kapatid ko, ‘yung scene na ‘yun sobrang bigat para sa akin.”
Pigil na pigil ang buong cast na magkuwento ng mga eksena nila dahil ayaw nila itong ma-preempt. Kaya abangan n’yo na lang ang pagsisimula nito sa Lunes, Set. 30 sa Kapamilya Gold.
Kasama rin sa Sandugo sina Arlene Muhlach, Cogie Domingo, Dido Dela Paz, Jeric Raval, Maika Rivera, Mark Lapid, Nanding Josef, Ali Abinal, Reign Parani, Karina Bautista, Aljon Mendoza at Ogie Diaz.
Ito’y sa direksyon nina Darnel Joy Villaflor at Ram Tolentino mula sa Dreamscape Entertainment.