ISANG makulay na opening ceremony at matinding aksyon ang matutunghayan sa pagbubukas ng 2019 Laguna Colleges and Universities Athletic Association (LACUAA) basketball tournament ngayong Biyernes, Setymebre 27, sa Dominican College gym sa Sta. Rosa City, Laguna.
Ito tiniyak ni LACUAA president Arnold Dilig ng San Sebastian College-Canlubang at iba pang mga opisyales ng LACUAA sa kanilang pagdalo sa ika-41 edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila Huwebes ng umaga.
“Maganda ang kinabukasan para sa LACUAA na ngayon ay magsisimula ng ikapitong season bukas,” pahayag ni Dilig sa naturang weekly public service program na itinataguyod ng Philippine Sports Commission National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
“Gaya ng mga nakalipas na taon, umaasa kami na magiging matagumpay ang aming ikapitong season sa tulong ninyo sa media at iba pang mga tagasuporta,” dagdag ni Dilig, na ngayon ay nasa ikattlong taon bilang pangulo ng LACUAA.
Sinabi pa ni Dilig na may dalawang bagong miyembro ang kanilang liga at ito ay ang Dominican College, na magsisilbing host ngayong season, at Christ the King School ng Cabuyao.
Sa kasalukuyan ay mayroong 11 member teams ang Laguna-based league ayon pa kay Dilig.
Tiniyak din nina LACUAA vice-president Richard Penaranda at secretary-general Bernard Bergania na magiging maganda ang pagpapatakbo ng liga na makakatuwang ang Federation of School Sports Associations of the Philippines (FESSAP) at Basketball Association of the Philippines (BAP).
Sinabi rin ni Penaranda na magiging mahigpit ang LACUAA Board ngayong taon upang maiwasan ang anumang kaguluhan gaya ng nangyari sa isa pang liga kung saan may isang coach ang napatawan ng lifetime ban.
“Hindi namin hahayaan na may mangyaring kaparehong kaguluhan sa aming liga sa LACUAA lalo na kung ang sangkot ay coach or player ng aming mga member teams,” paninigurado ni Penaranda.
“Walang puwang sa aming liga ang anumang gulo na kasama ang coach or sino mang school official gaya ng naunang naiulat sa ibang liga kamakailan,” ani Dilig, na agad sinang-ayunan ng dalawa opisyal ng LACUAA.
“Pati sa players eligibility, hindi namin hahayaan na magkaroon ng anumang problema,” dagdag ni Bergania.
Pangungunahan nina Dominican College principal-directress Sister Maria Goretti Verga at vice-president for Student Affairs head Bernard Bergania ang pagbubukas ng liga na para sa mga universities at colleges sa Laguna.
Dadalo rin sa opening ceremony sina FESSAP vice-president Robert Calo at LACUAA founding chairman Ding Andres.
Ang 11 member teams ngayong taon ay kinabibilangan ng Trace College-Los Baños, San Sebastian College-Canlubang, San Pedro College of Business Administration, AsiaTech Sta. Rosa, San Pablo College, Westbridge Institute of Technology Inc.-Cabuyao, University of Perpetual Help Dalta System-Calamba, University of the Philippines-Los Baños, Green Fields Integrated Schools, Christ the King Schools at Dominican College.
Magkakaroon naman ng bagong kampeon ngayong taon ang men’s basketball tournament ay matapos magdesisyon ang Colegio de San Agustin-Biñan na humingi ng leave of absence.
Sa junior division, defending champion ang Trace College ni head coach Nomar Isla.