12 TNT finalist halimawan ang laban; 6 lang papasok sa final ‘himig-sikan’


HALIMAWAN na ang labanan ng 12 finalists ng ikatlong taon ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime para sa huling tapatan ng kumpetisyon na magaganap sa Sept. 28 sa Caloocan Sports Complex.

Nakumpleto ang hukbo ng grand finalists matapos magwagi ni Kim Nemenzo sa Final Resbak week, ang huling round bago ang grand finals, kung saan isang linggo niyang matagumpay na pinagharian at pinanghawakan ang pwesto siya sa seat of power.

Gaya ng nakaraang mga taon, week-long din ang himagsikan sa kantahan ng grand finals na nagsimula last Monday, upang mapangalanan ang pinakabagong Tawag ng Tanghalan champion – ang bagong sundalong isasabak sa mundo ng OPM.

Mula sa original13 grand finalists, isang dosena na lang ang maglalaban-laban matapos umatras sa huling tapatan si Mariko Ledesma ng Luzon.

Iba-iba man ang armas at istilo sa pag-awit ng 12 finalists – tatlong pambato mula sa Luzon, tatlo mula sa Visayas, at anim mula da Mindanao – isa lang ang magtatagumpay sa matinding “himig-sikan.”

Susugod sa laban ang unang TNT record holder o contestant na nakakuha ng 10 sunod-sunod na daily wins na si Elaine Duran ng Agusan del Norte, si Ranillo Enriquez ng Cebu, pati na ang dalawang JM – ang record holder ding si John Mark Saga ng Cavite at si John Michael Dela Cerna ng Davao.

Bitbit din ang pangarap para sa pamilya, walang aatrasang hamon sina Charizze Arnigo ng Surigao Del Norte, Jonas Oñate ng Samar, Violeta Bayawa ng Zamboanga del Norte, at Julius Cawaling ng Cavite.

Gamit ang pambihirang talento, buong tapang ding haharap sa tanghalan sina Shaina Mae Allaga ng Zamboanga del Sur at Rafaello Cañedo ng Davao del Sur, Jermaine Apil ng Laguna, at si Kim, ang final resbaker mula Negros Occidental.

Sa unang dalawang araw (Sept. 23 at 24), hinati sa dalawang grupo ang 12 grand finalists na aawitin ang kanilang homecoming songs. Ang dalawang magtatala ng pinakamalaking combined scores mula sa madlang people votes at hurados’ scores ang aabante sa Sabado, habang tuluyan nang matatanggal sa kumpetisyon ang dalawang may pinakamababang scores.

Kahapon at ngayong araw, isa ang aabante sa huling tapatan sa Sabado at isa rin ang pauuwiin kada araw.

Fight songs o mga awiting panlaban ang kinanta ng walong finalists kahapon, samantalang fast songs naman ang itatampok ngayong araw.

Ibubuga naman ng apat na remaining grand finalists ang kanilang natitirang sandata sa Biyernes gamit ang kanilang “now or never” songs dahil muli, dalawa sa kanila ang tutuloy sa huling tapatan sa Sabado at matatanggal ang dalawang may pinakamababang combined scores.

At sa Sabado, sukatan na ng galing at dedikasyon para sa natitirang six grand finalists na aawit ng journey songs para sa unang round. Mula sa anim, tatlo ang tatanghaling Final Three na kakanta ng medley para sa huling tagisan para maging grand champion. Muli, combined scores mula sa madlang people votes at hurados’ scores and basehan ng pagpili ng mananalo.

Ang tatanghaling TNT grand champion sa Sabado ay magwawagi ng house and lot, negosyo package, family vacation package, management contract mula ABS-CBN, recording contract sa TNT Records, at P2 milyon.

Sino sa 12 finalists ang matitirang pinakamatibay? Kaninong boses ang maghahari sa “himig-sikan”?

Subaybayan ang pangmalakasang pasiklaban sa kantahan sa huling tapatan ng Tawag ng Tanghalan sa Showtime sa ABS-CBN.

q q q

Update: Nauna nang nakapasok sa Top 6 sina Elaine Duran at Kim Nemenzo na sinundan naman kahapon nina John Michael dela Cerna.

Read more...