SUMUKO kagabi kay Manila Mayor Isko Moreno ang padre de pamilya na pumatay sa kanyang live-in partner na empleyado ng city hall noong Lunes.
Sa Facebook live ni Moreno ay mapapanood ang kanyang mga tauhan na nagtungo sa Cavite alas-11:30 ng gabi upang kunin si Eric Capulong, 46.
Si Capulong ang itinuturong pumatay kay Connie Beldad, 39, tauhan ng Manila Traffic ang Parking Bureau.
Namatay ang biktima makaraang paulit-ulit na hampasin ng martilyo sa ulo.
Nagtago si Capulong sa bahay ng kapatid na babae pero kalaunan ay ipinarating sa alkalde ang pagnanais na sumuko.
Tiniyak naman ni Moreno ang kaligtasan ni Capulong na dinala sa Manila Police District.
Ayon sa alkalde, mabuting sumuko ang suspek para maayos nitong maharap ang kaso ng pagpatay sa kanyang kinakasama.
Dagdag ni Moreno, tutulungan nila ang mga anak ng dalawa at ang pamilya ng biktima.
Lunes ng gabi nang makita ang duguang bangkay ni Beldad sa silid nila ng suspek sa Tondo, Manila.
Nakita sa lababo ng bahay ang martilyo na sinasabing ginamit sa pagpatay kay Beldad.
Nakuha sa CCTV ng Brgy. 145 ang pagtakas ni Capulong dala ang mga anak nila ng biktima.
Selos ang nagtulak sa suspek na patayin ang biktima, na inakusahan niyang may ibang lalaki.
Ayon sa ilang kapitbahay, narinig nilang nag-aaway ang dalawa ilang oras bago natagpuang patay ang babae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.