SINAMPAHAN ng reklamong graft sa Ombudsman ang mag-asawang Robert Eusebio at Maribel, parehong nagsilbi nilang mayor ng Pasig City, kaugnay ng paggamit umano ng pondo ng gobyerno sa kanilang pangangampanya.
Bukod sa graft, inireklamo rin ang mag-asawa, at mga konsehal na sina Rodrigo Asilo, Gregorio Rupisan Jr., Rhichie Gerard Brown, Orlando Benito, Regino Balderama, Rosalio Martires, Ferdinand Avis, Wilfredo Sityar, at Iyo Christian Bernardo, ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Kasama rin sa reklamo sina acting City Council Secretary Reynaldo San Buenaventura at Pamplona, Camarines Sur Mayor Augustus Caesar Cruz.
Ayon sa reklamong isinampa ng Tambuli ng Mamamayan ng Pasig Inc., pumasok ang Pasig City sa isang sisterhood agreement sa Pamplona, Camarines Sur noong Mayo 2018. Ginawa umano ito dahil tatakbo si Maribel sa pagkakongresista sa ikalawang distrito.
Pumirma umano si Eusebio ng disbursement voucher para sa P25 milyong donasyon ng siyudad sa Pamplona noong Agosto 22, 2018 at ang tseke ay iniabot umano ni Maribel.
“Customarily, the check should have been awarded by the mayor, any elected official of Pasig City, the City Treasurer or any legitimate official of Pasig City,” saad ng reklamo. “Andaya-Eusebio is neither an elective nor an appointive official at the time of the delivery of the check.”
Hindi umano malinaw ang dahilan sa pagbibigay ng Pasig ng donasyon at kung bakit ang Pamplona ang napili nitong bigyan.
“No benefit for Pasig City is indicated,” saad pa ng reklamo.