‘Edward’ nina Ella at Louise may ipinaglalaban para sa mahihirap

THOP NAZARENO, ELLA CRUZ AT LOUISE ABUEL

HINDI nababagay ang isang nakasasakal na lugar tulad ng populated at sobrang init na ospital para sa isang binatilyong tulad ni Edward. Pero hindi siya makaalis dito dahil sa pagbabantay sa kanyang amang nakaratay.

Ang kwento ni Edward sa araw-araw na pananatili sa ospital ay nakapukaw ng mga tagasubaybay ng 2019 Cinemalaya Film Festival last month at ngayong Oktubre, pagkakataon ng iba pang moviegoers na mapanood ang pelikulang “Edward” mula sa Viva Films.

Sa direksyon at panulat ni Thop Nazareno (Young Critics Circle awardee for 2016 Best Feature Film Kiko Boksingero), ang “Edward” ay pinagbibidahan ng dating child star na ngayon ay binatilyo nang si Louise Abuel, kasama si Ella Cruz playing Agnes na isa ring pasyente sa ospital.

Ang mahusay na pagganap ni Ella ay tinumbasan ng napakagandang parangal, siya ang itinanghal na 2019 Cinemalaya Best Supporting Actress Award.

Naging palaruan para kay Edward ang paligid ng ospital. Habang gumagala kasama ang kanyang kaibigan na si Renz (Elijah Canlas), nakita niya si Agnes sa Emergency Room. Sa kanyang kaawa-awang kundisyon, naging bahagi si Agnes ng laro ng magkaibigan – isang pustahan kung ang payente ay mamamatay o mabubuhay.

Nang malipat si Agnes sa female ward, napalapit ang binatilyo sa dalagang na mas matanda ng konti sa kanya. ‘Di tulad ni Renz na mga bisyo ang itinuro sa kanya, minulat ni Agnes ang kanyang isip sa iba’t ibang prinsipyo sa buhay.

Dahil kay Agnes, naging masaya ang mga araw ni Edward, ngunit sa gabi, walang kasiyahang makikita sa pagtulog niya sa ilalim ng kama ng kanyang ama. Higit pa dito, mukhang hindi naman bumubuti ang lagay ng kanyang ama.

Ang “Edward” ay tinaguriang “coming-of-age movie” na sumasalamin sa healthcare system at sa government-funded hospitals sa Pilipinas. Ipinakikita sa pelikula ang katotohanan na sa halip na maging komportable ang mga may sakit, ang kakulangan sa mga medical staff at ang mga sirang kagamitan ay mas nagpapahirap sa kalagayan ng mga pasyente at sa kanilang mga bantay.

Sinabi ni Direk Thop na gumagawa siya ng klase ng pelikula na gusto niya mismong panoorin. Naglalagay siya ng “humor” dahil hindi niya masyadong gusto ang pelikulang “melodramatic.”
Aniya, “I aim for realism, the truth. In reality, even when you’re sad, you don’t spend every minute sulking. Here, I try to see the humor in the character of a teenager—how does a child see the world as a playground?”

Kwento pa ni Direk Thop, nakita na niya agad si Louise Abuel sa waiting area nang magpunta ito sa audition at sa itsura pa lang ay “perfect” na ang binatilyo para sa role, “I was praying during his entire audition that he’d deliver what we were looking for”.

Pinatunayan nga ng 15-year-old na aktor na siya ang karapat-dapat na maging Edward. Napanood si Louise sa 2011 ABS-CBN TV series na 100 Days to Heaven kasama sina Coney Reyes at Jodi Sta. Maria.

Inamin naman ng Viva artist na si Ella Cruz na nag-atubili siyang tanggapin ang papel na Agnes dahil ito ay palaban, prangka at palamura na ibang-iba sa mga sweet roles niya noon. Kaya naman todo ang pasasalamat niya kay Boss Vic at Boss Vincent del Rosario sa kanilang panghihikayat, at sa tiwalang ibinigay nina Direk Thop at Bb. Joyce Bernal para gumanap bilang Agnes.

Palabas na sa mga sinehan simula Okt. 2 ang “Edward” mula sa Viva Films.

Read more...