Tadhana ang magdidikta sa kapalaran ng karakter ni Barbie Imperial sa bagong iWant original series na Taiwan
That You Love kung saan mapipilitan siyang mamili sa dalawang binatang nais angkinin ang kanyang puso.
Mapapanood na simula ngayong Miyerkules ang romantic comedy-fantasy series ni Barbie bilang ang masayahing si Ivi, na pupunta ng Taiwan upang sundan ang kanyang kasintahang si Eric (Paulo Angeles).
Upang hindi maging pabigat sa kanyang nobyo, magsisimula si Ivi ng isang illegal na tour service sa Taiwan, kung saan makikilala naman niya ang Taiwanese artist na si Wei-Ting (Stephen Rong).
Bilang magkapitbahay sa condo, tila aso’t pusa ang dalawa sa simula, hanggang sa aksidente nilang makabangga ang isang matanda at mistersyosong lalaki.
Mababaliktad ang mundo ni Ivi pagkatapos magpakilala ni lolo bilang si Yue Lao, ang Matchmaking God na ipauubaya na ang tungkulin niya kay Ivi at ibibilin sa dalaga na dapat niyang mapagtagpo ang mga taong nakatakdang magkatuluyan sa mahiwagang aklat nito.
Dahil nakasulat sa Chinese ang mga pangalan sa libro ay hihingin ni Ivi ang tulong ni Wei-Ting. Sa simula, tatanggihan siya ng binata, ngunit mahuhumaling ito sa kanyang kabaitan at tiyaga.
Sa pag-usbong ng pagkakaibigan nilang dalawa, malalagay sa alanganin ang relasyon nina Ivi at Eric dahil sa pagseselos nito.
Sa kabila ng kaguluhan sa kanilang mga buhay ay kailangang sipagan at diskartehan ni Ivi ang misyong itinakda para sa kanya. Dahil kung hindi niya ito makukumpleto, sasapitin niya ang isang mapait na kapalaran—ang maging forever alone.
Ang Taiwan That You Love ang ikalawang seryeng pagbibidahan ni Barbie pagkatapos ng hit Kapamilya teleseryeng Araw Gabi last year.
Miyembro naman ng Hashtags ng It’s Showtime si Paulo at naging bahagi ng Araw Gabi, Dream Dad, at La Luna Sangre ng ABS-CBN. Isa namang aktor, singer-songwriter, DJ, model at host si Stephen sa Taiwan.
Ang Taiwan That You Love ay idinirek ni Theodore Boborol, kasama rin dito sina Jai Agpangan, Igi Boy Flores, Romnick Sarmenta, Mickey Ferriols, Anna Tian Yu Xuan, Ed Ngo, Charles Wu at Melvin Sia.
Tungkol naman sa halikan nina Barbie at Paulo sa nasabing iWant series, ang dalaga mismo ang nagsabi na sobrang mahiyain ng aktor kaya naiilang ito sa mga intimate scenes nila.
“Si Pau naiilang pa rin siya kapag may mga kiss, smack. Nahihiya po talaga siya. So ang ginagawa ko kini-kiss ko talaga siya, paulit-ulit talaga,” pahayag ni Barbie sa interview ng ABS-CBN.
Inamin naman ni Paulo na “shy type” at “torpe” talaga siya sa tunay na buhay, “Hindi kasi ako yung type na i-kiss mo na lang agad. Nahihiya ako kasi unang-una kaibigan ko siya, sobrang tropa talaga kami.”