MAGSE-SHARE ng kanilang blessings sa mga kabataang Pinoy ang sikat na sikat na Korean all girl group na Momoland.
Gaganapin sa darating na Oct. 5 ang concert ng Momoland titled “Good Friends in Manila” sa Araneta Coliseum.
Ayon sa management ng grupo na MLD Entertainment, ang bahagi ng kikitain ng “Good Friends in Manila” ay ido-donate sa mga kapuspalad na mga kabataan mula sa mga Barangay San Jose at Calawis sa Antipolo City.
Kabilang sa matatanggap ng mga masuswerteng bata sa Antipolo ay mga bagong damit at iba pang mahahalagang gamit.
Ayon pa sa MLD Entertainment, plano rin ng mga members ng Momoland na magsagawa taun-taon sa Pilipinas ng charity events para mas marami pa silang matulungan.
Naging sikat sa bansa ang Momoland last year nang pumatok ang kanta nilang “Bboom Bboom.” Nag-viral din ang napakaraming dance video na gawa mga netizen gamit ang nasabing hit song.
Nabuo ang South Korean girl group noong 2016 sa pamamagitan ng reality show na Finding Momoland. Ito’y binubuo nina AhIn, YeonWoo, NaYun, JooE, Jane and HyeBin, Nancy, Daisy at Kim Tae Ha.