MALAKI ang nagagawang ambag ng musical scoring sa isang palabas. Sa telebisyon man o sa pelikula ay minamarkahan ng manonood ang mga piyesang ginagamit sa proyekto.
Ang piyesang “Buwan” ni JK Labajo ang ginagamit na scoring sa teaser ng pelikulang pinagtatambalan nina Carlo Aquino at Maine Mendoza.
Ultimo uhuging bata ay kinakanta-kanta ang “Buwan,” napakaganda naman kasi talaga ng kanta, at makadadagdag ‘yun sa tagumpay ng pelikulang “Isa Pa With Feelings.”
Naunahan lang ng negatibong impresyon si JK Labajo nang magmura siya sa isang concert. Dinig na dinig sa mikropono ang malutong niyang pagmumura sa sumigaw sa kanya ng “Darren! Darren!”
Pero aminin natin ang katotohanan na paborito ng ating mga kababayan ang piyesa ni JK Labajo, sinasabayan nila ‘yun habang pinatutugtog sa radyo, maganda na kasi ang melodiya ng piyesa ni JK ay malalim at totoong-totoo pa.
Sabi ng aming kaibigang propesor, “Isa ako sa mga tagahanga ni JK Labajo dahil sa kanta niya. Kapag naririnig kong pinatutugtog ‘yun, e, nilalakasan ko ang sounds ko sa car.
“Ang ganda-ganda kasi ng lyrics ng song, maganda ang areglo, maganda rin ang pagkakanta ni JK. Hindi kukupas ang song na ‘yun, kahit matanda na si JK, maaalala pa rin ng mga tao ang kanta niyang ‘Buwan.’
“Ang ganda-ganda kasi. Para kang nagbabasa ng literary piece habang pinakikinggan mo ang song niya. Malalim!” papuri ni prop.