ITINUTURING nang numero unong problema ng bansa ngayon ang nararanasang araw-araw na sobrang trapik sa Metro Manila na kahit madaling araw pa lamang ay ramdam na ng mga motorista at mga pasahero.
Sa kabila naman ng kabiguan ni Transportation Secretary Arthur Tugade na masolusyunan ang krisis sa trapik, hindi naman siya masibak ni Pangulong Duterte.
Magkaklase sa law sina Pangulong Duterte at Tugade sa San Beda kayat naitalaga ang Kalihim sa Department of Transportation (DOTr).
Kung tutuusin, nasa pang-apat na taon na si Tugade sa katungkulan at isang basehan kung epektibo nga ba siya sa kanyang trabaho ay ang lagay ng Metro Rail Transit-3 o MRT3.
Sa kasalukuyan, aabot lamang sa 14 na tren ng MRT3 ang regular na bumibiyahe kung saan pinakamaiksi na ang 15 minuto ng interval ng pagdating ng tren.
Napakabagal pa ng takbo ng mga tren. Ang dating normal na biyahe na 30 minuto mula sa North Avenue hanggang sa Taft Avenue ay umaabot ng mahigit isang oras.
Ito’y kung hindi rush hour. Kung ikaw ay sasakay ng rush hour, talagang sobra-sobrang pasensiya ang kailangan mong baunin.
Wala namang pinipiling oras ang trapik sa mga kalsada sa Kalakhang Maynila.
Alas-5 pa lamang ng umaga, ramdam mo na ang trapik, partikular sa kahabaan ng Edsa at iba pang major roads at kahit lagpas na ang hatinggabi, kalbaryo pa rin ang trapik.
Imbes na maging asset ni Pangulong Duterte, nagiging liability pa si Tugade dahil sa kabiguang magbigay ng kahit konting solusyon sa trapik sa bansa.
Ang pagkakaibigan nina Pangulong Duterte at Tugade ang tanging kinakapitan ng huli kayat nananatili siya bilang DOTr Sectetary.
Kilala kasing mabuting kaibigan ang Pangulo.
Ang Pangulo ang sumasalo sa kapalpakan ng liderato ng DOTr.
Sa tatlong taong panunungkulan ni Tugade, wala siyang maipakitang master plan kapag tinatanong kaugnay ng trapik sa Metro Manila.
Dapat ay iniiiwas ni Tugade si Pangulong Duterte sa problema ng trapik sa harap ng iba pang problema ng bansa na kinakaharap ng Pangulo.
Taliwas naman ito sa nangyayari dahil dagdag pa si Tugade sa sakit sa ulo ni Pangulong Digong.
Pilit pang isinusulong ni Tugade ang emergency power para sa Pangulo gayong wala naman siyang maibigay na master plan.
Kung nagpakita si Tugade ng master plan sa mga senador, posibleng nasuportahan pa ang kanyang isinusulong na emergency power.
Kung totoong kaibigan si Tugade ni Pangulong Duterte, dapat ay magkusa na lamang siyang bumaba sa puwesto dahil sa kabiguan niyang masolusyunan ang krisis sa trapik sa bansa.
Sakit ng ulo ni Digong si Tugade
READ NEXT
God and Mammon
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...