Magdyowa pa ba sina Maine at Arjo?

MAINE MENDOZA AT ARJO ATAYDE

HANGGANG ngayon ay trending topic pa rin sa social media ang pagkamatay ni Arjo Atayde bilang si Elai sa The General’s Daughter ni Angel Locsin.

Maging ang Autism Society Philippines ay binati ang aktor, “Arjo Atayde’s portrayal of #autism is sensitive and nuanced. The character was well developed and avoided stereotypical caricatures. Bravo!”

Matatandaang nasulat na namin dito na ilang linggo pa lang umeere ang TGD ay pinuri na ng namamahala ng ASP ang aktor dahil sa tamang pagganap sa karakter niyang may autism dahil ito raw ang tama.

Samantala, may mga nagtanong na netizens sa amin kung sina Maine Mendoza at Arjo pa rin dahil wala na raw nasusulat tungkol sa kanila.

Sinagot namin ng “sila pa rin” at talagang walang nasusulat tungkol kina Arjo at Maine dahil ayaw nila. Una, abala si Maine sa pelikula nila ni Carlo Aquino at ayaw ni Arjo na makaistorbo at gayun din ang aktres.

Ayaw din ni Maine na maabala ang boyfriend niya na busy namang nagsu-shooting ngayon para sa digital series niyang Bagman 2.

May kanya-kanya silang career ngayon kaya hangga’t maaari ay ang ayaw na nilang ibandera sa publiko ang personal nilang buhay.

Matatandaang may mga nag-post na netizens na nakakita sa kanila nang magpunta sa Japan kamakailan pero never nagbigay ng detalye ang ArMaine tungkol dito na naiintindihan naman ng mga totoong supporters nina Arjo at Maine.

 

Read more...