NAGSALITA na rin ang Kapamilya hunk na si Jake Cuenca tungkol sa “duraan scandal” sa pagitan ng kanyang girlfriend na si Kylie Versoza at Maxine Medina.
Sa nakaraang thanksgiving presscon ng afternoon teleserye nilang Los Bastardos sa ABS-CBN, tinanong si Jake kung ano ang reaksiyon niya sa kontrobersyal duraan scene ng dalawang beauty queen turned actress na umano’y wala naman daw sa script.
Sang-ayon ang award-winning actor sa sinabi nina Kylie at Maxine na kailangang mapag-usapang mabuti ng mga artista kung paano nila gagawin ang isang eksena lalo na kung may pisikalan at sakitan.
Aniya, kung minsan talaga ay nadadala sila sa mga mabibigat na eksena at nagiging totohanan na pero hindi naman sinasadya.
“Minsan sa eksena, may nagagawa kang extra, may nagagawa kang na hindi kanais-nais na hindi mo sinasadya. Hindi namin intensiyon na manakit, hindi namin intensiyon na mambastos, pero at the end of the day in character ka,” paliwanag ni Jake.
“Maganda rin naman at may natutunan silang dalawa rito. Parehas silang bago pa sa industriya. Max, pangalawang soap mo pa lang. Kylie, first soap mo pa lang. At the end of the day, hindi naman kami inuupo bago ng show at tinuturuan ng etiquette na maging artista, wala naman.
“It’s not something that’s taught. Wala namang eskuwelahan talaga na nagtuturo sa iyo na ‘ito, dapat ganito sa eksena.’ You just figure it out, natututunan mo while doing the scene,” dagdag pa ng Los Bastardos lead star.
Saludo naman si Jake sa professionalism ng dalawang aktres at napakalaki raw ng contribution ng mga ito sa mataas na rating ng Los Bastardos.
“Masasabi ko naman na for both girls, napakahusay nila. At the end of the day ‘yung mga eksena nila, yung nagsabunutan sila, ‘yun yung nag-20 percent, ‘yun ang isa sa highest na rating namin.
“I’m very proud of both them, especially obviously Kylie (na girlfriend ko). I’m proud of her for what she has done, I have nothing but kind words for everyone in the cast,” hirit ng binata.
Nakiusap naman sina Kylie at Maxine na huwag nang palakihin pa ang isyu dahil okay na okay naman sila at looking forward sila na muling magkasama sa susunod nilang projects.
q q q
Samantala, sa huling dalawang linggo ng Los Bastardos, haharapin ng magkakapatid na Cardinal ang pinakamalaking laban ng kanilang buhay—ang puksain ang kasamaan ni Catalina (Jean Saburit) gamit ang pagmamahal sa pamilya, pag-ibig, at katapangan.
Mananatili pa rin ang pag-asa sa puso nina Isagani (Jake), Lorenzo (Joseph Marco), at Lucas (Albie Casino) na mahahanap nila si Connor (Joshua Colet) at muling mababawi si Matteo (Marco Gumabao) mula sa kamay ng mga kalaban ngayong isa-isa nang napapabagsak ang mga tauhan ni Catalina, dahilan para humina ang kanyang masasamang balak.
Ngunit sa likas niyang pagiging tuso, makakahanap si Catalina ng paraan na tirahin ang kahinaan ng magkakapatid na Cardinal—ang mga babaeng kanilang minamahal—na maglalagay sa kanila sa bingit ng kamatayan. Tuluyan pa nga bang makumpleto ang pamilya Cardinal?
Sa loob ng halos isang taon, kinapitan ang kwento ng Los Bastardos na nagpapakita ng matibay na samahan ng pamilya sa kabila ng mga problemang hinaharap. Kinapulutan ng aral ang pagmamahalan nina Don Roman (Ronaldo Valdez) at Soledad (Gloria Diaz) na parehong hindi sumuko sa kanilang walang kapantay na pag-iibigan kahit paulit-ulit silang sinubok ng tadhana.
Kinakiligan din ang serye sa matamis na pagmamahal na dala ng mga minamahal nilang sina Isay (Maxine), Dianne (Ritz Azul), Coralyn (Mary Joy Apostol), at Lupita (Mica Javier) na sinamahan sila sa lahat ng laban kahit malagay sila sa kapahamakan.
Mula Oktubre, 2018, tinutukan ng mga manonood ang serye at nagkamit ito ng all-time high national TV rating na 20.3%, ayon sa Kantar Media. Pinag-usapan din ito online at naguna sa trending topics at nakalikom ng libo-libong views sa YouTube at iWant.
Tutukan ang nalalapit na pagtatapos ng Los Bastardos sa ABS-CBN lang sa direksyon ni Roderick Lindayag, Raymond Ocampo at Carlo Po Artilliaga.