ITO yung huling report ng opisina ni Manila Mayor Isko Moreno, na may 50,000 na kumpiskadong driver’s license ang nakatambak sa Manila City Hall mula pa noong 2004.
Ayon sa Manila Traffic and Parking Bureau (MPTB), ang mga lisensiya ay nakumpiska base sa iba’t ibang kaso tulad ng illegal parking, speeding, beating the red light, at marami pang iba.
Ang pinagtataka ng marami, pati ako, bakit hindi isinusuko sa Land Transportation Office (LTO) ang mga lisensiyang ito. O kaya naman, tulad ng Makati, bakit hindi konektado sa LTO central database ang Maynila?
Ang nangyayari kasi, tulad ng sabi ni Mayor Isko, idedeklara na lang na lost ang lisensiya at pagkatapos ay kumuha ang driver ng bago sa LTO.
Pero matagal nang naayos ito ng LTO kung maniniwala tayo kay Asec. Edgar Galvante. Kaya nga nandun na ang Stradcom diba?
Sa panayam natin kay Asec. Galvante, sinabi niya na mahihirapan na silang ayusin ang problema ng Maynila sa lisensiya dahil 2004 pa ito nagsimula. Tanging ang sakop lamang ng RA 10930 o yung nagayos ng release ng drivers license ang matutukoy nila dahil meron na itong biometrics.
So ano ang naging problema sa Maynila? Sa Maynila lang ba ito? Hindi ba ito nangyayari sa mga malalayong probinsiya? Ang tanong, ano ang gagawin ng Maynila at LTO tungkol dito?
Dahil kung iisipin natin, isa pa ito sa problema natin sa traffic rules enforcement. Maraming mga bus at jeepney drivers ang dalawa, tatlo o apat ang drivers license, kaya walang takot lumabag sa batas sa kalye.
Yung iba, uuwi lang sa probinsiya at kukuha ng bagong lisensiya, ayos na.
At isa lang ito sa libo-libong maliliit na bagay na nagsasama-sama upang gawing imposible ang pagresolba sa traffic jam sa mga congested and highly urbanized metropolis natin.
Tandaan natin, hindi lang sa Metro Manila may trapik. Malala na rin ito sa Cebu, Davao, CDO, Baguio, Cabanatuan at Ilan pang malalaking siyudad natin.
Kung susundin natin ang isipin ni Senator Grace Poe (na ang nakikita lang ay EDSA, at bahala na ang mga ordinaryong probisyon at policies sa pagayos sa trapiko, saan tayo pupulutin, eh lisensiya lang di pa natin maayos.
Ano ang gagawin ni Mayor Isko, gayahin ang Boracay tulad ng sabi ni Poe? Isara ang Maynila?
Sila DOTr naman, isara ang EDSA? Isara ang Metro Manila?
Malalim ang isyu ng traffic congestion. Kinabibilangan ito ng libo-libong maliliit at higanteng problema na pinagsamasama at pinalala sa loob ng tatlong dekada ng kapabayaan.
Sabi nga ng yumaong tatay ko, ang trapik ay trabaho ng matalinong tao, hindi ng maarteng politiko.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa ?irie.panganiban@gmail.com? o sa inquirerbandera2016@gmail.com?.