NGAYONG nagkakaalaman na ng mga modus-operandi sa bilangguan, panahon na rin para ibahagi ng Bantay OCW ang naging karanasan ng isang OFW mula sa Hongkong na itatago na lang natin sa pangalang Marimar.
Mahigit 40 anyos na si Marimar. Matandang dalaga kung tawagin. Habang nakabakasyon siya mula sa Hongkong, tumawag ang kaibigan nito na kapwa rin OFW at isinama siya sa New Bilibid Prison.
May dinalaw na kamag-anak ang kaibigang OFW at doon nakilala ni Marimar ang presong sa bandang huli ay naging boyfriend niya.
Buong bakasyon ni Marimar, pabalik-balik siya sa piitan upang makasama ang boyfriend. Binibigyan niya ito ng pera at nireregaluhan ng kung anu-ano. Sa lalaki na halos napunta ang lahat ng kinikita niya at hindi na rin umano siya nakakapagpadala sa kaniyang pamilya.
Nang bumalik na sa HK si Marimar, hindi nahinto ang pagpapadala niya ng pera dito. Patuloy daw siyang bigay nang bigay kay BF lalo pa’t madalas na siya na ang nanghihingi.
Ani Marimar, mahal niya ng lalaki kaya okay lang sa kanyang gumasta para sa taong sa pag-aakala niya ay makakasama naman niya bilang asawa kapag nakalabas na ito ng kulungan.
Pinagpagawan din daw niya ito ng kubol at gumastos siya ng mahigit P100,000 para rito. Nag-ipon din siya ng pambili ng mamahaling relo at iniregalo din niya ito kay BF.
Ilang buwan pa lamang ang kanilang relasyon pero pakiramdam niya ang tagal-tagal na niyang boyfriend ito dahil ubos-ubos ang kanyang pera. Wala siyang naiipon na.
Nang mamatay ang tatay ni Marimar, biglaan itong umuwi sa Pilipinas nang hindi alam ng boyfriend. Matapos mailibing ang ama sa probinsiya, lumuwas na ng Manila si Marimar para bumalik sa HK. Isang araw bago ang flight niya, sinorpresa nito ang boyfriend sa Bilibid.
Pero siya pala ang nasorpresa. Dahil may ibang babaeng inabutan siya doon. Saka lang niya nalaman na asawa pala iyon ng kanyang boyfriend. Nalaman din niya sa asawa ng isa ring bilanggo doon na kapag nagpapadala siya ng pera, ang misis nito ang kumukuha.
Sa galit ni Marimar, nagsumbong ito sa Bantay OCW. Tangi lamang na nagawa namin ay maasistihan siya kung ano na lamang ang kaya pa niyang mabawi sa lalaki.
Nakuha pa niya ang regalong relo pero hindi na ang ginastos sa kubol at lahat ng perang ipinadala niya. Wala na lahat iyon at wala namang kakayahang magbayad pa ang kanyang fake boyfriend.
Sising-sisi naman si Marimar na nagpaloko siya sa isang preso sa kabila ng pagtutol ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com