‘The Gift’ ni Alden pasabog agad; TJ Trinidad trending


NAGMARKA agad sa Kapuso viewers ang unang episode ng bagong primetime series ni Alden Richards sa GMA, ang The Gift. Sa katunayan, naging number one trending topic pa ito sa Twitter Philippines gamit ang hashtag na #TheGiftWORLDPremiere at nasa ikalimang spot naman sa Twitter worldwide.

Talagang na-miss ng manonood ang Asia’s Multimedia Star kaya naman inabangan nila nang bonggang-bongga ang pagsisimula ng programa.

Sa pilot episode, unang ipinakita ang mga eksena nina Alden at Jo Berry na gumaganap na nanay-nanayan niya sa kuwento. Dito nakita kung ano ang naging buhay ng karakter ni Alden na si Sep sa Divisoria nang mapunta siya sa pangangalaga ni Berry (Jo) at ng lola niyang si Charina (Elizabeth Oropesa).

Unang araw pa lang ay pasabog na ang The Gift dahil nabaril agad si Sep nang magkagulo sa Divisoria.

Pagkatapos nito ay ipinakita na ang flashback na nagsimula sa binyag ni Sep kasama ang mga magulang na sina Nadia (Jean Garcia) at Gener (TJ Trinidad) na puring-puri rin ng netizens bilang ang ama na kumapit sa patalim para gumaling lang ang anak na may malubhang sakit.

In fact, trending din ang pangalan ni TJ sa Twitter PH (6th spot nationwide), habang nasa 12th spot naman ang “Tatay Gener.” At siyempre, puro positibong komento rin ang natanggap ni Jean lalo na sa eksena kung saan nabaril at napatay ang kanyang asawa matapos mangholdap ng bangko.

Kagabi naman, napanood na ang paglabas ng karakter ni Ruru Madrid na isa sa mga special guest sa The Gift. Gaganap siyang “special child” na anak ni Meg Imperial sa kuwento na siyang magiging dahilan kung bakit nawalay si Sep sa kanyang pamilya.

Patuloy na tutukan ang The Gift, sa GMA Telebabad pagkatapos ng Beautiful Justice sa direksyon ni LA Madridejos. Kasama rin dito sina Mikee Quintos, Mikoy Morales, Ysabel Ortega, Martin del Rosario, Rochelle Pangilinan, Betong Sumaya, Divine Tetay, Christian Vasquez, Thia Thomalla, Victor Anastacio, Luz Valdez at marami pang iba.

q q q

Siyempre, tuwang-tuwa si Alden sa mainit na pagtanggap ng manonood sa The Gift. Simula pang daw ‘yan at siguradong mas mahu-hook pa ang publiko sa mga susunod na episode ng serye.

Ayon kay Alden, talagang napakabuti ng Diyos sa kanya kaya nga nasabi niyang ang pagiging aktor ang “best gift” na natanggap niya sa kanyang buhay.

“With this gift, binago po nito ‘yung buhay ko. Pero as much as it’s changing my life, I’m changing others as well through the inspiration they get through the projects that I make, especially po the fans,” sey ng Pambansang Bae.

“Ang ikinatutuwa ko po kasi is mahal ko po ‘yung trabaho ko. Mas minahal ko po siya kapag meron po akong nababasang comments, ‘yung mga lumalapit sa akin. ‘Alden, ang ganda ng ginawa mo, ‘yung ganitong klaseng project. You changed my life,'” aniya pa.

Dugtong pa ng binata, “Siguro ‘yun po ‘yung nagiging goal ko sa lahat ng ginagawa kong proyekto. Gaano ba kalaking inspirasyon ang ibibigay nito sa mga manonood and sa sarili and sa mga co-actors and everyone that’s involved in the creative process?”

“Siguro ‘yun po talaga ‘yung higher calling ng trabaho po naming lahat. Hindi lang po kami artista, hindi lang po kami nagpo-portray ng mga role, hindi lang po kami nakikita sa TV, but the higher calling po sa aming mga aktor is to really give inspiration to people, especially po sa mga kababayan nating Pinoy,” sey pa ng binata.

Read more...