NAGREREKLAMO ang maraming commuter lalo na ang mga estudyante sa mga UV Express sa Maynila.
Noong Biyernes, araw na naramdaman sa Maynila ang epekto ng magnitude 5.3 lindol sa Quezon, naging pahirapan ang pagsakay.
Bukod sa nagsabay-sabay sa paglabas ang mga tao sa kalsada ay umulan din. Pahirapan ang pagsakay papunta ng Quezon City lalo na sa U-belt area kaya naipon ang mga pasahero.
Tapos pay day Friday pa. At Friday the 13th pa.
Mahirap na ngang sumakay tatagain ka pa sa pamasahe ng mga driver. Naniningil ng P50 ang isang UV Express driver na biyaheng Philcoa, QC. At P50 ang singil niya malayo man o malapit. Doble ito ng karaniwang pamasahe.
Grabe si manong nananaga. At hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga UV Express driver.
***
Bukod sa pananaga sa mga pasahero, hindi rin nagbibigay ng discount sa mga estudyante ang maraming UV Express driver na bumibiyahe sa lugar.
Feeling nila may exemption sila.
Bukod sa Memorandum Circular 2017-024 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay mayroon pang batas kaugnay ng 20 percent discount na ibinibigay sa mga estudyante na sumasakay sa pampublikong sasakyan.
Ayon sa Republic Act 11314 o ang “Student Fare Discount Act” na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Abril.
Noong una ay MC lang ng LTFRB ang pagbibigay ng discount, pero naging batas ito ng pirmahan ng Pangulo.
Sa ilalim ng batas ang 20 percent discount ay ibibigay sa estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon. Hindi lang jeepney at bus kundi maging UV Express. At kasali rin maging Transport Network Vehicle Service.
At ang discount ay dapat ibigay kahit na holiday at weekends.
Ang mga driver na hindi magbibigay ng discount ay masususpinde ang lisensya sa pagmamaneho ng isang buwan para sa unang paglabag, dalawang buwan sa ikalawang paglabag, tatlong buwan sa ikatlong paglabag at tatlong buwang suspensyon at P1,000 multa sa mga susunod pang paglabag.
Ang operator naman, kahit na maaaring hindi alam ang ginagawa ng driver na naglalabas ng kanyang sasakyan, ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag, P10,000 at isang buwang impounding ng sasakyan sa ikalawa, at kanselasyon ng Certificate of Public Convenience sa ikatlo na nangangahulugan na hindi na makakabiyahe ang sasakyan.
Ang masakit dito, pati yung mga driver ng UV na sumusunod ay napupulaan kaya hindi lang ang mga commuter ang dapat na magsumbong. Dapat maging sila ay naaapektuhan din sa ginagawa ng mga kapwa nila driver.
Reklamo laban sa UV Express
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...