WISH ng TV host-comedian na si Super Tekla na makabalik sa Wowowin ni Willie Revillame para makapag-promote ng kanyang launching movie.
Showing na sa Sept. 25 nationwide ang pelikula niyang “Kiko En Lala” kung saan makakatambal niya sina Kim Domingo at Derrick Monasterio. Dual role ang drama rito ni Tekla kaya dalawa rin ang kanyang ka-partner.
Sa ginanap na presscon ng pelikula kahapon, diretsong sinabi ni Tekla na sana’y makapag-promote siya sa Wowowin kung saan dati siyang co-host ni Willie.
“Dream come true po ‘yun. Kumbaga, isang malaking factor si Kuya Wil kung babasbasan niya itong movie ko parang half of my kaba mawawala.
“Nagpaparamdam ako, humahanap lang ako ng tiyempo kasi ‘pag once maka-tiyempo ako, hindi ako magdadalawang-isip. Kumbaga, kung ang call time, aagahan ko talaga kahit hindi na ako matulog,” pahayag pa ng Kapuso comedian.
Inamin naman ng komedyante na mix ang kanyang emosyon sa nalalapit na pagpapalabas sa “Kiko En Lala” pero aniya, dahil sa suportang ibinibigay sa kanya ng kanyang mga co-stars sa movie at sa mga bossing ng GMA 7 ay nababawasan kahit paano ang nerbiyos niya.
Present sa grand media conference ng pelikula sina Kim, Derrick, Jo Berry, Divine Tetay at ang direktor nilang si Adolf Alix, Jr.. Naroon din sina First Vice President for Program Management Joey Abacan at Vice President for Corporate Affairs and Communications Angel Javier Cruz.
“Sobrang kinakabahan, talagang sobrang excited! Halo lahat ng emosyon ko ngayon habang palapit ng palapit ‘yung showing.
“Pero, siyempre, nandu’n ‘yung kapit ko sa dasal kasi, siyempre, bigyan tayo ng magandang panahon tapos may rason lumabas ‘yung mga Kapuso natin para manood ng pelikula.
“Sobrang nag-e-effort ako, sumusuyod ako sa palengke. Hindi alam ng manager ko ito nagti-take ako ng group videos, kinakamayan ko ang mga tao, in my own little way binubugbog ko ‘yung promotion,” aniya.
Samantala, natanong naman si Direk Adolf kung bakit na-delay ang pagpapalabas ng “Kiko En Lala”, “Nu’ng ginawa po kasi siya, tapos pinanood namin, una po inayos nila ‘yung playdate kasi alam ko gusto nila, siyempre, magandang playdate para du’n sa pelikula.
“Tapos pangalawa po, may mga effects, ‘yung effects po kasi nung unang tiniyempo ‘tapos inayos parang sabi namin baka sayang naman kung medyo bibilisan ‘tsaka mamadaliin. So, sabi namin nung kinausap ko sila, kung puwede ayusin natin ‘yung effects.
“Tapos may rule po yata ‘yung booking na parang two months, kung may bago kang playdate kailangan yata mag-defer ka muna yata ng two months.
“So, kaya po naghintay po kami ng bagong playdate base po dun sa nauna para wala po kami masyadong kasabay. Kasi, di ba po, ngayon medyo mahirap din kasi may kasabay kami na foreign films,” paliwanag pa ng award-winning director.
Ka-join din sa launching film ni Tekla sina Kiray Celis at Ai Ai delas Alas.
***
Nahingan din si Super Tekla tungkol sa pagbibigay ng sariling comfort room sa members ng LGBTQ community, lalo na sa mga crossdresser at transgender.
Tunay na lalaki man si Tekla pero halos araw-araw siyang nagsusuot ng damit ng babae dahil sa kanyang trabaho.
“Ako? Nonsense! Mas maraming importanteng ano… dyusko! Ang daming Pilipino nagugutom ngayon, ‘no!
Ang daming batas na puwedeng ipatupad, huwag na yun.
“Kung bakla tayo, atin-atin na lang yun, dyusko! Kung pagtitinginan ako, ‘O, bakit?!’ Nakaka-offend, hoy, kayong mga lalaki, minsan nakaka-offend kayo!
“Yung papasok yung bakla sa CR, titingnan, tapos iihi, itatago, iiiwas sa bakla, hindi niya alam, yung nasa kabila niya, bakla din, e, di wala din siyang kawala!
“O, bongga, jackpot ka ngayon!” birong sagot ni Tekla.