Mga Laro ngayong Sept. 17
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. San Sebastian vs Perpetual Help
2 p.m. St. Benilde vs Mapua
4 p.m. JRU vs Arellano
MATUHOG ang ikaanim na diretsong panalo ang hangad ng San Sebastian College Stags sa pagsagupa nila sa University of Perpetual Help System Dalta Altas sa kanilang NCAA Season 95 men’s basketball tournament ngayong Martes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Asam ng Stags na maipagpatuloy ang mainit na ratsada sa kanilang alas-12 ng tanghali na salpukan nila ng dumadausdos na Altas.
Sa iba pang laro, makakatapat ng College of St. Benilde Blazers ang mapanganib na Mapua University Cardinals ganap na alas-2 ng hapon habang maghaharap ang Jose Rizal University Heavy Bombers at Arellano University Chiefs dakong alas-4 ng hapon.
Sa likod ni Allyn Bulanadi, na kinilala bilang NCAA Player of the Week kamakailan, ang San Sebastian ay tangan ngayon ang 7-3 kartada, na kalahating laro lamang sa Lyceum of the Philippines University Pirates, na may 8-3 marka at nasa ikalawang puwesto.
Nalagpasan ng Stags ang kanilang anim na larong panalo noong isang taon matapos patumbahin ang Blazers, 83-67, noong Huwebes.
Ang Altas, na kasalukuyang nasa ikawalong puwesto sa hawak na 3-7 kartada, ay nanganganib na hindi makalusot sa Final Four ngayong season matapos makapasok noong isang taon sa likod ni Season 94 Most Valuable Player Prince Eze.
Kaya naman kailangan ng Perpetual Help na magpapanalo para umusad sa susunod na round.
Matapos ang 5-0 na pagsisimula, biglang sumadsad ang St. Benilde matapos magtala ng 1-4 karta sa huling limang laro, at naghahabol sa Letran Knights (7-4) ng kalahating laro para sa karera para sa huling semifinals berth.
Hindi naman puwedeng magkumpiyansa ang Blazers kontra Cardinals, na ginulat ang Knights sa double overtime, 105-101, noong Biyernes.
Nagwagi ang Mapua sa tatlo sa kanilang huling apat na laro matapos simulan ang season na may limang sunod na pagkatalo at iwan ng dalawa’t kalahating laro para sa No. 4 spot.