Pasabog na mga dialogue ni Kim sa ‘Jowable’ ipinagtanggol ng netizens
KONTROBERSYAL ngayon si Kim Molina dahil sa nag-viral na trailer ng kanyang launching movie na “Jowable” under Viva Films.
Hati ang reaksyon ng madlang pipol sa tema at mga dialogue na ginamit sa pelikula, lalo ang pakikipag-usap ng karakter ni Kim kay Candy Pangilinan na gumaganap na madre sa movie at sa eksena ng singer-comedienne sa loob ng simbahan.
May mga netizen na nagsasabing masyadong garapal at mahalay ang mga pinagsasabi ni Kim sa pelikula lalo na ang tungkol sa kanyang virginity, pero marami rin naman ang nagko-comment na huwag munang i-judge ang movie base sa trailer.
Sabi pa ng ilang supporters ni Kim, “Ang ipokrita naman ng ilang tao diyan. Maka bash naman sa Jowable.
Sa true lang ganu’n naman talaga ang usapan kapag kasama mo barkada mo! Wag nga kayo!”
Ayon naman kay Kim at sa direktor ng controversial sex comedy film na si Darryl Yap na ipalalabas na sa mga sinehan on Sept. 25, panoorin daw muna natin ang “Jowable” bago tayo mag-comment. Hindi lang naman daw ito puro tungkol sa sex at virginity, may aral din daw na matututunan ang viewers sa kuwento.
Pero in fairness ha, ang ingay-ingay sa social media ng “Jowable” kaya marami ang nagsasabi na mukhang maganda ang magiging resulta nito sa takilya.
Samantala, inuulan ng blessings ngayon si Kim. After ng hit digital show niya sa iWant na “Momol Nights” with Kit Thompson, heto na nga ang “Jowable” na ipinagkatiwala sa kanya ng Viva Films.
“Siyempre, sobrang overwhelmed po ako sa lahat. This year po kasi, roller coaster of blessings, from Kadenang Ginto, The General’s Daughter, tapos Momol Nights and then this, sobrang thankful ko po sa lahat po ng nagtitiwala sa akin – from my ABS-CBN family, my Dreamscape family, my Viva family,” ani Kim sa mga blessings na natatanggap niya.
“Sobrang saya ko but at the same time, siyempre nakakakaba po dahil sabay-sabay po nila na ipinagkakatiwala po sa akin ang magagandang materyal. Sana naman po ay mabigyan ko ng justice,” aniya pa.
Inamin ni Kim na grabe ang nerbiyos na nararamdaman niya sa nalalapit na showing ng movie niya.
“Honestly speaking sobra po yung kaba ko. Kasi kumbaga, nu’ng una ko po kasi na movie, na isa po ako sa main cast, yung ‘Camp Sawi,’ pero hindi po ganu’n kakaba kasi apat na naggagandahan at sikat na mga artista ang kasama ko.
“Pag kinakabahan po ako nu’ng time na yon puwede po akong pumunta sa likod ni Bela (Padilla), o kaya tumatago ako sa likod ni Arci (Muñoz), o ni Andi (Eigenmann) o kaya sa likod ni Yassi (Pressman), pero this time around po ako lang ito. So, parang sobra po yung kaba sa akin.
“Buti na lang din po kasama ko yung mga kaibigan kong sobrang gagaling din po sa pag-arte at sa kanilang artistry, so grabe lang po yung nararamdaman ko. Actually, sa daldal ko pong ito bigla akong naging speechless,” pahayag pa ni Kim.
In-expect ba niya na magiging bida siya sa pelikula? “Honestly po, hindi. Ako po kasi, TFC girl po ako.
Kumbaga, nakikita ko na lahat ng mga teleserye bata pa lang ako at alam kong sobrang gaganda nila.
Tinanggap ko na sa sarili ko na hindi naman ako ganu’n (kaganda), hindi pambida.
“I wanted to sing, nai-mold po ako ng tatay ko na maging singer. Thru music ko po naise-share ang talento ko.Hindi ko po in-expect na magpepelikula ako. Na magiging artista po ako. Hindi ko po talaga in-expect.
“Kumbaga, sa ‘Rak of Aegis’ din po kasi nagkasabay pareho, na umarte at saka po kumanta. Tapos doon din po nila nakita na kaya ko pala. Doon na rin po na-hone yung talent ko po dito na minahal ko na rin ngayon.
“Naniniwala po ako na kung desidido ka sa ginagawa mo at saka kung sa tingin mo ay kaya mo namang gawin at kung napapalibutan ka ng mga taong hindi maramot mag-share ng kung anong alam nila, matututo at matututo ka,” chika pa ng komedyana.
Makakasama rin sa “Jowable” ang boyfriend ni Kim na si Jerald Napoles, Cai Cortez, Kakai Bautista at Chad Kinis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.