SI Martin del Rosario ang tinanghal na Best Actor sa katatapos na Pista ng Pelikulang Pilipino 2019 Gabi ng Parangal na ginanap sa 1 Esplanade, Pasay City nitong Linggo.
Inialay ng aktor ang kanyang tropeo sa mga kasama niya sa pelikulang “The Panti Sisters” na sina Paolo Ballesteros at Christian Bables.
Aniya, “Lahat naman po kami nag-shine, lahat po kami, napakita namin dito, lahat kami magaling. Lahat kami happy sa ginawa namin.”
Sa tanong namin kung anong ikinangat niya sa dalawang sisters niya sa movie, “Siguro po ako ‘yung pinakamaganda! Ha-haha! Joke!” tumawang sabi ng aktor.
Dagdag pa niya, “Dahil sweet din ako bilang si Dani (role niya sa movie).”
Nata-typecast na sa gay role si Martin pero wala siyang keber as long as nabibigyan niya ng justice ang mga karakter niya at alam niya kung ano ang sexual preference niya.
“Yung iba po kasi hindi nila alam ang ginagawa nila, pero ako, okay lang ako. Saka hindi lang naman gay role ang ginagawa ko, may iba pa naman. May nagsabi nga po sa akin na okay ako, at masaya ako sa ginagawa ko,” pahayag ng aktor.
Sa bagong teleserye ngayon ni Martin sa GMA 7 ay kontrabida naman ang role niya na unang beses niyang gagawin, “Yes po, sobrang saya ko kasi first time ko to do kontrabida role.”
Tawang-tawa kami sa aktor nu’ng nagbiro siyang bading siya kaya sinabihan naming baka seryosohin namin ang arte niya sa movie, “Ha-hahaha! Okay lang po kung seryosohin ninyo, no problem,” aniya sa amin.
In fairness, cute na cute kami kay Martin dahil simula nang makilala namin siya ay hindi pa namin siya nakitaan ng pagkapikon sa tuwing itatanong ang tungkol sa kanyang kasarian dahil katwiran niya kilala niya ang kanyang sarili.
Sa “The Panti Sisters” ay ang karakter ni Martin ang gustong magpakasal sa boyfriend niyang si Joross Gamboa kaya natanong siya kung pabor siya sa same sex marriage.
“Para sa akin kasi, lahat ng tao may karapatang magmahal ng kahit sino. Kung hindi papayagan ng batas lahat tayo kailangan nating mag-celebrate para malaman ng mga tao na nandito tayo. ‘Yun ang line ko sa movie.
“Na totoo naman. Kung hindi papayagan ng batas, puwede tayong magpakasal, tayong dalawa gumawa ng selebrasyon para malaman ng tao.
“Sa same sex marriage, feeling ko, karapatan ng lahat na mag-bind kayo. Well, nandiyan si God. Kung hindi sa church puwede. I mean kung gusto n’yong mag-celebrate, walang magpipigil sa inyo kasi karapatan natin kung mahal natin ‘yung tao. We have all the right to celebrate lalo’t kung mahal natin.
“Kung gagawa tayo ng kontrata na magba-bind tayo, na magsasama tayo as a couple, why not, di ba? Bakit ba nating pagbabawalan, di ba?” esplika ni Martin.