BANDERA Editorial
“WALA siyang laban.”
Yan ang bukambibig ni Archbishop-emeritus Oscar Cruz sa pagsibat ni Sen. Panfilo Lacson para makaiwas sa dalawang kasong murder.
Kapag kinasuhan ka ng dalawang murder, ginigipit ka ba? Kapag sa tingin ng taga-usig ay may ebidensiya, base na rin sa reklamo at mga nagrereklamo, pati na ang corpus delicti, na di napasubalian sa imbestigasyon, ginigipit ka ba?
Yan ang paniwala ng sugo ng Diyos. Ginigipit si Lacson. Na sa kanyang pahiwatig ay huwag nang hayaang umikot ang gulong ng hustisya at sagasaan kung sino man ang sasagasaan.
Paano na ang mga naulila nina Salvador “Bubby” Dacer at ang abang si Emmanuel Corbito, na walang kinalaman sa sigalot ng nag-uumpugang mga bato dahil nasa tabi siya ng kanyang amo nang dukutin ito, para lamang ihatid ito sa kanyang kinaroroonan? Kung alam ni Cruz ang pagkatao ni Dacer, tingnan naman niya ang dukhang si Corbito.
Si Corbito ay dukha, sangkahig, sangtuka. Mas lalong walang laban si Corbito kung siya’y aapihin at papatayin ng mga may kapangyarihan.
Kung nagkakandarapa si Cruz (pantas na pari ka pa naman) na ipangalandakan na di tinatantanan ng administrasyong Arroyo si Lacson (na makapangyarihan din naman dahil siya’y magiting at matapang na senador at dating director general ng National Police), bakit hindi niya akayin ang mga lumuha sa pamamaslang kay Corbito, na habambuhay nang pinagkaitan ng magpapakain, sa landas na makamit ang hustisya?
Ganyan ba ang lider-Kristiyano? May tinitingnan ba’t tinititigan si Cruz? Ah, hindi raw niya pinayuhan si Lacson nang pakinggang ang pamamaalam nito para makaiwas sa panggigipit. Mas lalong di papayuhan ni Cruz ang kawawang mga naulila ni Corbito dahil hindi niya kilala ang mga ito. Ang pakikinig sa hinaing ng paggigipit ay para na lang ba sa kakilala? Kawawa naman ang mga walang kakilalang sugo ng Diyos.
Heto, ang maganda. Ang sabi ni Cruz, karapat-dapat ang pagsibat ni Lacson. Kung gayon, pasibatin na ang mga ginigipit ng administrasyon? Ganoon ba?
Sina Kristo at Erap ay ginipit din naman. Pero, di sila sumibat. Buong tapang nilang hinarap ang mga umuusig.
BANDERA, 020810