‘Panti Sisters’ tatabo sa takilya, hahakot ng awards

MARTIN DEL ROSARIO, PAOLO BALLESTEROS AT CHRISTIAN BABLES

NGAYON pa lang ay hinuhulaan na ng madlang pipol na ang “The Panti Sisters” nina Martin del Rosario, Christian Bables at Paolo Ballesteros ang magiging top-grosser sa 2019 Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na ngayong araw.

Ito’y base na rin sa magagandang comments mula sa mga nakapanood na ng pelikula sa ginanap na premiere night nito kamakailan kung saan dumating ang tatlong bida in drag, suot ang kanilang bonggang mga gown.
Mas marami rin ang maku-curious manood ng movie dahil Graded B ito sa Cinema Evaluation Board (CEB) bukod pa sa Parental Guidance (PG) rating ng MTRCB. Ibig sabihin pwede rin itong mapanood ng mga bata basta kasama ang kanilang mga parents.

Ang pagsasama-sama sa “The Panti Sisters” nina Paolo, Martin at Christian ay isang dream come true para kay Direk Jun Lana na nakatrabaho niya sa mga blockbuster hits na “Born Beautiful” at “Die Beautiful”.

Sa pelikula, makikilala ng mgamanonood ang Panti Sisters na gagampanan nga nina Paolo, Martin at Christian – ang tatlong baklang magkakapatid na pinagbuklod ng kanilang amang si Don Emilio (John Arcilla) na may malubhang karamdaman.

Pero bago mamatay, nais nitong magkaroon ng anak ang kanyang tatlong Panti Sisters at kung sino ang makapagbibigay sa kanya ng unang apo ay tatanggap ng P300 million bilang mana.

Si Paolo ang gaganap na Gabriel Panti, “Ako yung pinakamatanda nilang kapatid at ako ang pinakabakla.”

Sey naman ni Christian, “Ako si Samuel Panti sa movie, isa akong baklang kanal at ang Reyna ng Tondo.”

“At ako si Daniel Panti. Ako yung sweetest Panti na isang K-pop fan. Yung mga K-pop fans, makaka-relate kayo sa character ko.”

Pinagkaguluhan talaga ng nang bonggang-bongga ang tatlong bida ng “The Panti Sisters” sa ginanap na premiere night ng pelikula sa SM Megamall. Pero mas malakas ang tinanggap nilang palakpakan pagkatapos ipalabas ang movie lalo na nang biglang kumanta ang magkakapatid na beki ng 1998 hit na “I Can”, ang theme song ng pelikulang “Do Re Mi” nina Donna Cruz, Regine Velasquez at Mikee Cojuangco.

Wala kang maririnig mula sa audience kundi puro papuri para kina Paolo, Christian at Martin, lalo na kay Direk Jun Lana.

Aliw na aliw din ang mga nakapanood sa mga eksena na hango sa mga pelikulang “Himala” ni Nora Aunor at “Kaya Kong Abutin Ang Langit” ni Maricel Soriano.

Sabi nga nila, ito ‘yung literal na tatawa ka mula simula hanggang katapusan ng pelikula, pero paiiyakin ka rin dahil sa mangyayari sa ending. Ilang aral na hatid ng “TPS” ay ang pagtanggap, pagrespeto at pagmamahal sa sarili mong pagkatao kahit ano pa ang kulay ng PANTI na suot mo!

Riot din ang mga eksena nina Carmi Martin, Rosanna Roces, Roxanne Barcelo at Joross Gamboa na talagang narmarka rin sa mga manonood.

Siyempre, ang kailangn n’yong abangan sa ending ng pelikula ay kung sino nga kaya ang magkakaanak sa tatlong beking magkakapatid at kung may makakakuha nga sa kanila ng P300 million.

Ang “The Panti Sisters” ay mula sa The IdeaFirst Company, Quantum Films at Black Sheep at showing na ngayong araw sa mga sinehan bilang bahagi ng 2019 PPP.

Read more...