KLARO ang stand ng kilalang TV host at hair salon tycoon na si Ricky Reyes pagdating sa isyu ng comfort room para sa mga LGBTQ members at ng SOGIE Bill.
Nakatsikahan namin si Mother Ricky sa kanyang Child Haus Foundation sa Escoda St., Manila last Sunday. At dito, inihayag niya ang kanyang opinyon sa mga isyung kinasasangkutan ng LGBTQA+ community.
“This year, lahat ng LGBT, nilikom ko silang lahat. Sabi ko, tigilan ninyo ang kabaklaan. Huwag na kayong magbistida sa kalye kasi lalo lang tayong pagtatawanan ng tao. Okey!?” sabi ni Mother Ricky.
Dapat daw tumulong ang mga gay na gaya niya sa kapwa para raw mahalin sila ng mga tao, “At lagi kong sinasabi, ang bakla, walang ibang makakaintindi kundi bakla lang talaga. Kahit sarili nilang nanay, kahit sarili nilang tatay, sasabihin, ‘Ah, mahal ka namin anak naiintindihan ka namin, syet!
“Mahuli ka ng tatay mo kumokokak ka, sipain ka pa ng tatay mo, ‘Day! ‘Di ba? Pero ang bakla, mahuli ka ng bakla na kumokokak, ‘Hoy, bakla, share ako, ha! Akin na ang number!?’”
“Nagkakaintindihan. Walang makakaintindi sa bakla kundi bakla lang,” dagdag pa niya.
Payo pa ni Mother Ricky, ang affair ng mga bakla dapat sa kanila lang at huwag nang ipangalandakan sa tao,
“Bakit kailangan kong ipangalandakan sa madlang pipol, ‘Uy, intindihin mo nga ako, bakla ako.’ Teka muna.”
Bilang iconic gay sa bansa, inilahad niya ang tamang CR na dapat pasukan ng LGBTQA+, “Kung ikaw ay may nota, sa lalaki ka. Kapag may kipay ka, sa babae ka. Finish! ‘Yun lang ‘yon. Nirerespeto kita bilang tao.
Nirerespeto kita bilang bading. Pero lumugar tayo sa tamang lugar, ‘di ba?
“Kung ikaw babaeng-babae at hindi na mabubuking, e, ‘di lumusot ka kung makakalusot ka. Pero kung hindi ka makakalusot, anong problema mo?” aniya pa.
Gaya ni Jake Zyrus na kahit isang lesbian ay sa CR pa rin siya ng mga babae pumapasok, “Yeah, ‘di ba? Kung may kipay ka, girl ka. Kung may nota ka, hombre ka. Ganoon lang. Kung nagpaopera ka, kaso nga ang bakla kahit operada na, kahit may kipay na, maski may boobs na, bakla pa rin ang utak. Saan ka nakakita, ‘Oy, may kipay na ako, o!’ ‘Uy, may boobs na ako!’ May babae bang ganoon? Wala namang babaeng ganyan.
“Diyos ko! Lumugar lang sa tamang lugar. Bakit tayo pupunta sa mga lugar na ipagpipilitan mo na girl ka, e, may bar naman para sa nga bading. Doon ka sa lugar natin. Bakit kailangan mong ipagsiksikan ang sarili mo sa lugar na hindi ka naman matatanggap,” tuloy-tuloy na paliwanag niya.
Kinuha rin ang opinyon ni Mother Ricky kung sa palagay ba niya ay nae-exaggerate lang ang usapin sa CR for the LGBTQ na umabot pa sa Congress, “Let it be na lang. Basta ang bakla, e, bakla. Ang bakla, gilingin ko man ‘yan, ang labas niyan baklang hamburger pa rin.”
Malinaw din ang stand niya sa isinusulong na SOGIE bill sa Senado, “Ang kasal ay para lamang sa babae at lalaki. E, merong kasabihan sa Catholicism, na sacrilege. Pambabastos sa relihiyon, huwag na. Ang pagpapakasal ay ibig na natin sa babae at lalaki, ‘di ba? Saka kung gusto ninyo ng union, e, ‘di mag-union kayo. Bakit ako, I’m in a relationship for 40 plus years, but we never go out of our way. No more.
Umiling naman si Mother Ricky when we asked him kung napag-uusapan din ba nila ng partner niya na si Daddy Cris Aquino ang magpakasal, “Never,” diin niya.
“We have children. We have grown-ups children. And they are good children. But we never talk about marriage, never.”