PALAGING problema sa taping ng isang sitcom ang isang aktor na produkto ng isang reality show na ginaganap sa isang napakalaking bahay. Mula nu’n pala hanggang ngayon ay napakahina niyang magmemorya ng kanyang mga sasabihin sa harapan ng mga camera.
Siya ang sinasabing palaging dahilan ng pagtatagal ng taping ng anumang programang kasali siya, inip na inip na ang kanyang mga kasamahan, kaya kinaiinisan siya.
Kuwento ng aming source, “Nu’ng minsan nga, e, nag-decide na ang director nila na tanggalin na lang ang ibang mga eksena ni ____ (pangalan ng komedyante) para mapabilis ang trabaho nila.
“Magbabakasyon kasi nu’n, aalis ang mga artista after their taping, pero napakatagal kunan ng mga huli nilang eksena dahil sa hinang mag-dialogue ng kasamahan nila.
“Inip na inip na ang lahat, palihim na nga siyang tinatarayan ng isang kasamahan niyang young actress, mag-iimpake pa kasi ang mga kagamitan niya ‘yung isa, kaya buwisit na buwisit na sa kanya.
“At alam n’yo bang nagpuntahan na kay direk ang mga kasamahan niya para makiusap? Ipinatatanggal na lang nila ang mga eksena ng bobito nilang co-actor, cause of delay na kasi siya, kaya kailangang tanggalin na ang mga eksena niya para makapag-pack-up na sila.
“Ayun, ganu’n na nga ang ginawa ng kanilang director, konting dialogues na lang ang itinira sa kanya, pero nagtagal pa rin ang kokonting ‘yun!” kuwento ng aming impormante.
‘Yun pala ang dahilan kung bakit hindi siya isinasama ng produksiyon sa malalaking proyekto nila, maaabala kasi silang masyado, dahil napakahinga ngang magmemorya ng kanyang mga lines ang komedyante.
Dagdag pa ng aming source, “Ala, e, kailangan siyang mag-improve, napakatagal na siyang pinagpapasensiyahan ng mga kasamahan niya, sa totoo lang!” napapailing pang pagbibigay ng clue ng aming impormante.
Kailangan na sigurong linawin ni Mark Herras ang mga kuwentong pumapalaot ngayon tungkol sa tunay na dahilan ng paghihiwalay nila ni Ynna Asistio. Ayon kasi sa mga bulung-bulungan ay masyado na raw siyang napagod sa pagganap sa mga obligasyong hindi naman siya dapat ang sumasagot.
Si Mark na nga ang tumutugon sa mga pangangailangan ng kanyang sariling pamilya ay meron pang ekstensiyon ‘yun sa pamilya ni Ynna, ‘yun ang kumakalat na isyu, kaya para siya magaanan sa kanyang mga pananagutan ay pinili na niyang makipaghiwalay na lang kay Ynna.
“Napakabata niyang sugar daddy, nakakaawa naman pala siya kung totoo nga ‘yun! Kaya pala mukha siyang mas matanda sa age niya, parang pagod na pagod na siya, ganu’n pala ang nangyayari sa buhay niya?” napapailing na komento ng isang kaibigan ni Mark.
Kung totoo nga ang kuwento ay talagang mahihirapan nga si Mark, sa halip kasing ma-enjoy niya ang pakikipagrelasyon ay hindi ganu’n ang nangyayari, dahil pinoproblema niya na ang kanyang sariling pamilya ay nand’un pa ang malaking pamilya ni Ynna Asistio na siya rin ang kailangang magtaguyod.
May nakarating ding impormasyon sa amin na sa kanilang paghihiwalay ni Ynna ay malaking halaga ang iniwan niyang pautang kay NadiaMontenegro, mismong malalapit kay Mark ang naglalabas ng mga ganu’ng kuwento, kaya hindi niya sa maidedenay pa ang mga ganu’ng usapin.
Napakasakit naman ng ganu’n, alam naming mahal pa rin ni Mark ang dalaga, pero dahil sa mabibigat na dahilan ay kailangan na nilang iwan ang isa’t isa.
“Hindi naman kasi D.O.M. si Mark, bagets na bagets pa siya para maging ganu’n, nahihirapan na siguro siya, kaya kahit masakit sa kanya ang pakikipaghiwalay kay Ynna, e, ginawa na rin niya,” komento pa ng isang source namin.
Nakakalungkot.