Ending ng ‘G!’ nina McCoy, Jameson, Paulo at Mark ikina-shock ng mga fans


NA-SHOCK ang mga nanood sa premiere night ng pelikulang “G!”, ang nag-iisang barkada movie sa 2019 Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na ngayong Biyernes, Sept. 13.

Ibang klase naman kasi ang naging ending ng movie na pinagbibidahan nina McCoy de Leon, Jameson Blake, Paulo Angeles at Mark Oblea. As in hindi talaga in-expect ng manonood na iyon ang magiging katapusan ng pelikula na idinirek ni Dondon Santos.

Siyempre, hindi na namin ikukuwento kung ano ang nakagugulat na twist sa kuwento ng “G!” para ma-shock din kayo! Ha-hahaha! Pero more than that, siguradong makaka-relate sa story ng “G!” ang lahat ng millennials dahil nga tungkol ito sa magbabarkada at sa kanilang mga nakakalokang escapades, kabilang na nga ang pag-discover nila sa mundo ng sex.

Sa kuwento, madidiskubre ng karakater ni McCoy na meron siyang cancer at sa halip na magmukmok at kaawaan ang sarili, niyaya niya ang kanyang mga katropa na i-enjoy ang mga nalalabi niyang araw sa mundo, at isa nga sa hiling niya ay maranasan ang kanyang first sex.

Ang karakter naman ni Roxanne Barcelo ang bibinyag kay McCoy. Tilian, padyakan at tuksuhan talaga ang fans ng apat na bida habang ipinalalabas ang maiinit na eksena nina McCoy at Roxanne.

Tama ang sinabi ni McCoy sa isang panayam na siguradong pag-uusapan ang mga eksena nila ni Roxanne at tunay namang manyak na manyak ang naging peg niya sa eksena, “First time ko po, masasabi ko, mahirap kasi mas matanda sa akin si Miss Roxanne. Pero sa tulong ni Direk Dondon, siya po yung nag-boost sa akin, nag-motivate sa akin paano atakihin yung eksena.”

At tama rin ang kuwento ni McCoy na patikim pa lang ang ipinapakita sa teaser ng “G!”, “Sa trailer kasi parang konti lang. Lalo na kapag pinanood, dire-diretso siya, pa-intense ng pa-intense.”

Bukod sa mga nakakaloka at nakakagulat na adventures ng apat na magbabarkada, gusto rin naming palakpakan ang ipinakita nilang akting sa movie.

Given na ang galing ni McCoy bilang aktor dahil nahasa na rin siya sa mga nagawa niyang teleserye sa ABS-CBN, pati na rin si Jameson Blake na may mga acting awards na rin. Pero hindi rin nagpatalbog sa kanila sina Paulo at Mark na may kanya-kanya ring highlights sa pelikula.

Ang “G!” ay mula sa Cineko Productions at isa nga sa 10 official entry sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino. Mapapanood na ito simula ngayong Biyernes, Sept. 13 to 19 sa lahat ng sinehan nationwide.

Kasama rin sa pelikula sina Kira Balinger, Precious Lara Quigaman, Rosanna Roces, Dominic Roque, Jao Mapa, Moi Bien, Alora Sasam, Nick Parker, Patrick Sugui at Joey Marquez.

Read more...