Kaso ng dengue umabot na sa 250K; mahigit 1,000 nasawi

UMABOT na sa halos 250,000 ang kaso ng dengue sa buong bansa, kung saan 1,000 ang nasawi at 30 porsiyento ay mga bata.

Umapela si Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo sa mga lokal na opisyal na paigtingin ang kampanya para mapigilan ang pagdami ng kaso ng dengue matapos na umabot na sa 240,00 ang kaso ng dengue.

 Lumagpas na ito sa target ng  Department of Health (DOH) sa buong taon.

“What we need is [for the effort] to go down to the barangay level. It also needs to be done daily. We understand that sometimes it may be tiring but the threat of dengue is continuous. We ask for a little more effort because as we can see there are still a lot of cases,” sabi ni Domingo.

Nirekomenda ng DOH ang insecticide fogging sa mga lugar na nakapagtala ng mataas na kaso ng dengue sa dalawang magkakasunod na linggo.

Sinabi ng  DOH Epidemiology Bureau (DOH-EB) na base sa kanilang rekord noong Agosto 24 umabot na ang kaso ng dengue sa  249,332, o 109 porsiyentong mataas kumpara noong isang taon.

Idinagdag ng DOH na umabot na rin sa 1,021 katao ang nasawi dahil sa dengue.

Mula Agosto 18 hanggang 24, nakapagtala ang DOH ng  13,192 bagong kaso ng dengue, 60 porsiyentong mas mataas kumpara noong isang taon.

Sinabi ng DOH na ito na ang pinakamataas na naitala simula 2012.

“If a community is aggressive and active [in fighting dengue], it’s control of the spread of the disease is more efficient,” ayon pa kay Domingo.

Idinagdag ni Domingo na nananatili pa ring pinakamataas ang kaso ng dengue sa  Western Visayas na may kabuuang  42,694 kaso at  186 mga namatay.

Ang iba pang rehiyon na pinakamataas ang kaso ng dengue ay ang  Calabarzon (35,136 kaso, 112 nasawi), Northern Mindanao (18,799 kaso, 69 nasawi), Zamboanga Peninsula (17,529 kaso, 93 nasawi) at Eastern Visayas (17,107 kaso, 52 nasawi).

Read more...