NA-SHOCK si Maymay Entrata sa ginawa sa kanya ni Kathryn Bernardo minsang kumakain sila habang break sa shooting ng “Hello, Love, Goodbye”.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang Kapamilya young actress na naging bahagi siya ng highest grossing Pinoy film of all time na pinagbibidahan nina Kathryn at Alden Richards.
Kamakailan ay ginanap ang thanksgiving ng Star Cinema para sa nasabing pelikula at ayon kay Maymay deserving ang KathDen na maging Box-office King & Queen.
“Grabe, kung nakita niyo yung mga interview namin, yung mga speech namin (sa thanksgiving party) nag-iyakan kami lahat ng cast lalo na si Ms. Kathryn at si kuya Alden kasi talagang attached talaga sila sa mainit na pagsuporta ng mga tao lalo na si direk Cathy (Garcia-Molina).
“Kasi yung movie, hindi lang maganda yung kuwento, kundi yung samahan na nabuo namin at saka yung journey na meron kami, yung experience, yun yung para sa akin isa sa mga pinakamagandang experience ever na hindi ko makakalimutan.
“Kaya siguro naging matatag yung samahan at yung movie. Na hanggang ngayon showing pa rin po,” pahayag ni Maymay sa isang panayam.
At talagang naging isang pamilya na raw sila habang sinu-shoot ang “HLG”, naging ka-close ni Maymay ang lahat ng co-stars niya lalo na sina Kathryn, Kakai Bautista at Lovely Abella na gumaganap lahat na mga OFW.
“Hindi ko in-expect yun ha kasi siyempre si Ms. Kathryn tapos si ate Kakai kasi magkaibigan na kami since nu’ng ‘Loving in Tandem’ pa lang. Tapos dumating si ate Lovely, eh baliw pala si ate Lovely. Tapos hindi ko rin akalain na si Ms. Kathryn habang tumatagal sus, baliw rin pala, bubbly rin si Ms. Kathryn. At saka lahat go siya ng go,” kuwento pa ng ka-loveteam ni Edward Barber.
Pagpapatuloy pa ng dalaga, “Gusto ko ito i-share. Sobrang saya ko kasi kumakain siya. Sabi niya, ‘May, tikman mo.’ Talagang sarili niyang kutsara (ginamit niya). Inisip ko nu’n, ‘Kathryn Bernardo kutsara niya, my God! Nakain ko din. Ha-hahaha!’
“Ayun ang saya at saka isa siya sa pinakatotoong tao na kahit ano nang naabot niya, hindi yun yung maghahadlang para hindi niya pansinin yung mga nakakababa sa kanya. Sobrang humble ni Ms. Kathryn.
“Lalo din si kuya Alden. Sobrang sincere nilang dalawa. Hindi ko alam, parang imposible na kapag isipin na ganyan na sila kasikat pero sobrang humble pa rin sila. Kaya mas bini-bless sila. Kaya dun ako na-i-inspire,” aniya pa.