Bata tinangay ng buwaya

NAWAWALA at pinangangambahang patay ang 15-anyos na binatilyo matapos umanong sagpangin ng buwaya sa Balabac, Palawan, Linggo ng gabi.

Hinahanap pa ng mga awtoridad si Romilo Sappayani Miranda, matapos maiulat ang insidente Lunes ng umaga, ani Lt. Col. Socrates Faltado, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.

Sinabi sa pulisya ni Pablo Tanain, tiyuhin ni Miranda, na naganap ang insidente dakong alas-10 habang siya, ang binatilyo, at dalawang pinsan nito’y sumisisid para manghuli ng isda, malapit sa Sitio Bual, Brgy. Indalawan.

Matapos sumisid, nakita ni Ismael Sarmiento, isa sa mga pinsan ni Miranda, na lumulutang ang flashlight ng huli.

Kasunod noo’y nakakita siya ng buwayang dumaan sa kanyang gilid, kagat-kagat si Miranda sa batok, at lumangoy patungo sa malalim na bahagi ng dagat, ani Faltado.

Humingi ng saklolo si Ismael sa kanilang tiyuhin at isa pang pinsan pero wala ring nagawa ang dalawa, sa takot na sila ri’y makagat ng buwaya.

Nagtungo sa pinangyarihan ang mga tauhan ang lokal na pulisya, PNP Maritime Group, Coast Guard, at barangay officials para magsagawa ng search, rescue, o di kaya’y retrieval operation, ani Faltado.

Naganap ang insidente wala pa isang buwan matapos matagpuan ang mga putol na bahagi ng katawan ng isang 10-anyos na batang lalaking sinagpang din umano ng buwaya sa Brgy. Salang, doon din sa Balabac.

Read more...