LABIS ang pighati ng mga magsasaka sa patuloy na pagbaba ng presyo ng palay kung saan umabot na ito sa P7 kada kilo.
Kung palugi lagi ang mararanasan ng mga magsasaka, hindi na nakakapagtaka na tumigil na lamang sila pagtatanim at ibenta na lamang kanilang bukirin.
Nagte-trending din sa social media ang mga reklamo ng mga magsasaka kung saan binatikos nila na masyadong abala ang mga opisyal ng gobyerno kaugnay ng transwoman na si Gretchen Diez at ng SOGIE bill, gayong libu-libong magsasaka ang umaaray sa pagbaba ng presyo ng palay, na ayon sa kanila ay mas dapat bigyan ng atensyon.
Isinisisi ng mga magsasaka ang labis na pagbaba ng presyo ng palay sa pagpapatupad ng Rice Tariffication law at pagbaha ng mga imported rice.
Ayon sa mga magsasaka, mula P19 kada kilo noong isang taon, bumaba ito sa P15 kada kilo nang simulan ang implementasyon nito ngayong taon.
Noong Agosto, bumaba ito muli sa P10 kada kilo hanggang umabot sa P7 kada kilo.
Nag-alok naman ang Department of Agriculture (DA) ng P15,000 loan kada magsasaka, bagamat umalma lalo ang mga apektadong mga magsasaka.
Paano nga naman mababaon lamang sa utang ang mga magsasaka at ang kailangan nilang tugon mula sa gobyerno ay tumaas ang presyo ng palay.
Binabarat kasi ng mga traders ang pagbili nila ng palay sa mga magsasaka kayat kailangan na ang intervention ng gobyerno.
Nitong nakaraang araw inatasan ni Pangulong Duterte ang National Food Authority (NFA) na bilhin ang aning palay ng mga magsasaka para makaagapay sa epekto ng rice tariffication law.
Idinagdag ni Duterte na dapat ay magkaroon ng kasunduan sa presyo ng palay.
“But you cannot demand a price. You arrive at a compromise of how much you are willing to lose a little bit. Just to break even, as long as they won’t be shortchanged for their efforts. They are compensated but do not demand a price that is unreasonable,” sabi ni Duterte.
Ipinagtanggol naman ni Duterte ang bagong batas sa pagsasabing ipinasa ito para mapagsilbihan ang mas mayorya ng populasyon.
“So the solution there is for us to buy it. Even if we lose money. That’s why we collect taxes,” dagdag ng pangulo.
Isinisi naman ni Agriculture Secretary William Dar sa mga sangkot sa hoarding sa pagbaba ng presyo ng palay.
“Even before the [enactment] of the Rice Tariffication Law wasn’t there already a drop in palay prices? So somebody is taking advantage and we see to it that we will apply the full force of the law [on those caught] hoarding,” giit ni Dar.
Kung hoarding ang totoong problema, dapat umaksyon na ang DA at iba pang kaukulang ahensiya.
Ang importante, mapataas ang presyo ng palay dahil kung patuloy itong mangyayari, wala nang magsasaka ang gugustuhin pang magtanim ng palay.