Sikreto pa muna ang karakter ni Rosanna Roces sa bagong daytime drama series na Pamilya Ko ng ABS-CBN. Sa ika-fifth week pa raw kasi siya lalabas sa serye.
Natuwa si Osang, nu’ng malaman niya na personal choice siya ng isa sa lead stars ng Pamilya Ko na si Sylvia Sanchez para sa isang mahalagang role.
“Although, masakit sa akin na iwan ‘yung Los Bastardos pero kung titingnan mo magtatapos na sila. At least ako, nakatalon na. Ang Pasko ko, sure na,” lahad ni Osang. Thankful din siya na hawak din ni Direk Ruel Bayani ang Pamilya Ko gaya ng Los Bastardos.
Since tungkol sa pamilya ang bagong serye ni Osang, kinumusta namin ang kanyang mga anak na sina Grace at Onyok Adriano.
Ang huling balita na nakarelasyon ni Grace ay isang Arabo. Laking pasasalamat daw ni Osang na hindi nagpakasal si Grace du’n sa Arabo.
“Oo, hindi na bumalik ‘yung Arabo. Sabi ko nga, okey lang. Ang importante nandito ako,” lahad ng aktres.
Aniya pa, kahit daw ano’ng mangyari sa anak, nandiyan lang palagi ang magulang gaya niya para kay Grace.
“Pero ‘yung isa, ‘yung naku-ers (nakuha) ng kabilang show, na binayaran ng bente (P20,000) para siraan ang sariling ina niya, hindi ko na kinakausap,” galit na sabi niya.
Ang tinutukoy na isa pang anak ni Rosanna ay walang iba kundi ang bunso niyang anak na si Onyok.
Nagkaroon ng matinding hidwaan ang mag-ina nu’ng paratangan ni Onyok si Rosanna na patuloy sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, paglustay sa kanyang pera at pagtutol sa kinakasama ng bunso niyang anak during his interview sa dating talk show ng GMA, ang Startalk.
“Kailangang tablahin ko ang mga taong kailangan kong tablahin, kahit anak pa kita kung nakakasakit ka na sa akin masyado. At kung masisira ang buhay ko dahil sa sakit na binibigay mo, e, kailangan kitang tablahin,” himutok ni Osang.
Naglabas din ng kanyang damdamin si Rosanna tungkol sa kanyang mga kamag-anak, “Isa pa yun,” gigil na sabi niya. Nauulit muli ‘yung nangyari (noon) ngayon.
“Ang dami ko na namang tinablang kamag-anak ko kasi, mukha na naman akong ATM sa paningin nila.
Busy na naman kasi ako,” kuwento niya. Nu’ng panahon daw na walang-wala siya, nawalan din siya ng mga kamag-anak.
“Ngayong nandito na naman ako, nandiyan na naman sila. Tapos parang hindi nila iniisip na may sarili na rin akong buhay. Noon talagang wala akong problema. Napakarami kong pera. So, tulung, tulong, tulong.
Pero isipin din nila nu’ng nawalan ako, wala rin naman silang naitulong sa akin. So, ngayon tulungan ko muna ang sarili ko,” pahayag pa ng aktres.
Noon daw ay parang ginagawa siyang ATM ng kanyang mga kamag-anak, “Tabla, tabla talaga. Siguro naman itong nakasama ko, itong pamilya ko, siguro kung may utang na loob sa kanila, bayad na, may sukli pa.”
Si Grace at anak na lang daw nito na si Maja ang pagtutuunan niya ng pansin.