NAPAGKAITAN man ng suporta ang kanilang mga atleta tuloy lang ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) sa kanilang misyon na magwagi ng medalya at maghatid ng karangalan para sa Pilipinas.
Ito kasi ang naging karanasan ng mga atleta ng PDBF sa kanilang paglahok sa 14th IDBF World Dragon Boat Racing Championship kamakailan sa Pattaya, Thailand.
Subalit kahit kinulang ng suporta, nagawang magwagi ng PDBF squad ng apat na ginto, dalawang pilak at apat na tansong medalya sa pinakamalaking dragonboat competition sa mundo na pinamahalaan ng International Dragon Boat Federation (IDBF).
“Pagdating pa lang namin problema na. Hindi kami pinayagan ng organizers na ma-test ‘yung venue kasi hindi pa namin nababayaran ng buo ang $11,000 participation/sanction fee. So lahat ng atleta namin pati na rin ‘yung mga kaanak namin tinawagan na overseas para makapagpadala ng pera sa amin. Luckily, in just five hours nakakolekta kami ng almost P300,000 na ipinambayad namin,” sabi ni PDBF secretary-general Atty. Jaypee Villanueva, sa pagbisita sa Usapang Sports forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“Ang problema, dahil naubos ‘yung mga pocket money namin, wala nang pambili ng dinner ‘yung delegasyon. ‘Yung breakfast okay lang dahil sinuportahan kami ng Filipino community doon na nag-sponsor, kaya lang sa dinner wala na kaya nagtiis lahat na maghati-hati sa naibaong mga de lata,” dagdag pa Villanueva.
Sinabi naman ni coach Sohud Saraman Hakim na hindi naging hadlang ang pagsubok na pinagdaanan ng kanilang koponan kundi nagdagdag motibasyon pa ito para magpursige ang PH rowers sa torneo na nagresulta ng tagumpay sa mga para-dragon events na 200m PD-1 Open small boat, 200m PD-2 Open small boat, 500m PD-1 Open small boat at 500m PD-2 Open small boat.
“‘Yan ang ipinagkaiba ng atletang Pinoy. Kaya nating magtiis para sa karangalan,” giit ni Hakim.
Nag-uwi rin ito ng dalawang pilak sa 200m Senior A Open (small boats) at 200m Senior A Mixed divisions. Nakahablot din ito ng tansong medalya sa 500m Senior Mixed, 2,000m Senior A Mixed, 2,000m, Senior A Open at 500m Senior A Open (small boats) sa torneo na nilahukan ng mahigit 100 koponan mula sa 30 bansa.
“Ang aming mga sagwan ang nagsalita. Umaasa po kami na mapakikingan ang panawagan ng mga kinauukulan. Laban po ito ng pagkakaisa at determinasyon ng atletang Pilipino,” sabi naman ni PDBF president Nyllressan Factolarin.
“Tanggap po namin na hindi kami ang National Sports Association sa kasalukuyan ngunit mga atleta po kami na nagnanais lamang na maipakita ang galing sa mundo. Kami ay naging biktima ng pulitika ngunit sa pagbabago ng liderato sa Philippine Olympic Committee (POC) sa pamumuno ni Rep. Bambol Tolentino ay umaasang mapakingan ang aming hinaing,” dagdag pa ni Factolarin.
Ang PDBF ang kinikilalang national sports association sa dragonboat ngunit isinama ito ng noo’y POC president Jose “Peping” Cojuangco Jr. sa Canoe-Kayak Association kahit walang rekomendasyon o desisyon ang POC General Assembly.
“For clarification, iba po ang international federation ng canoe-kayak at dragonboat. May sarili pong international federation ang dragonboat kung kaya’t hindi makatwiran na alisin kami at isama sa grupo ng canoe-kayak,” sabi pa ni Villanueva.