AKALA namin saya-sayahan lang ang unang linggong episode ng bagong teleseryeng Pamilya Ko na mapapanood na sa Lunes sa ABS-CBN, dahil base sa trailer ay masasaya ang mga eksena ng Pamilya Mabunga
Pero hinndi pala dahil sa graduation scene ni Jairus Aquino ay tumulo na agad ang luha namin at halos lahat ng nanood sa celebrity screening sa Trinoma Cinema 7 nitong Miyerkules ay pasimpleng nagpupunas ng kanilang mga mata.
Inakala rin namin na ang The Greatest Love serye ni Sylvia Sanchez na ang pinakamatindi niyang karakter bilang ina na maysakit na Alzheimer pero hindi pala, mas matindi pala si Luz ng Pamilya Ko.
Ang mga anak nina Sylvia at Joey Marquez na sina Chico (JM de Guzman), Beri (Kiko Estrada), Apol (Kid Yambao), Persi (Jairus), Peachy (Maris Racal), Lemon (Kira Balinger), Cherry (Mutya Orquia), at Pongky (Raikko Mateo) ay agaw-eksena agad sa pilot week pa lang.
Nu’ng nabanggit sa amin ni Ibyang na, “Abangan mo si JM, ito ang pinakamagaling niyang teleserye.” Oo nga, mapapamura ka sa galing ng akor lalo na sa confrontation scene nila ni Ibyang na ilang beses pinalakpakan ng audience.
Kilalang komedyante si Joey, pero ang husay niya palang magdrama, ang kanyang pananahimik ay agaw-pansin dahil alam niya na kaya nagkakagulo ang pamilya niya ay dahil sa kanya.
Dumagdag pa itong si Irma Adlawan na kunwaring si “Kumpareng Loi” (Loida Magtulis) sa cellphone ni Joey para hindi mabuking, pero hindi siya nakaligtas sa pang-amoy ni JM.
“Kumpareng Loi, pero boses babae? May itinatago ‘tong tatay ko,” kuwento ni JM sa bestfriend niyang si Arci Muñoz bilang si Betty. Hanggang sa ni-research na ni JM kung sino si Loida at nakita niyang may larawan sila ng amang magkasama sa Italy at magka-holding hands.
Mapapanood na ang Pamilya Ko simula sa Lunes, Set. 9 bago mag-TV Patrol mula sa direksyon ni Raymund Ocampo handog ng RSB Unit.
Nakakaaliw lang dahil paglabas ng mga tao sa sinehan ay namamaga talaga ang mga mata. Todo naman ang pasalamat ng buong production ng Pamilya Kos sa magagandang komento na natatanggap nila.