Pagpapaaresto ni Aguirre kay Tulfo may basehan daw

By Jimmy Alcantara September 04,2019
share this

Pagpapaaresto ni Aguirre kay Tulfo may basehan daw

By Jimmy Alcantara September 04,2019
share this

NANINIWALA ang kampo ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nararapat na arestuhin ang kolumnistang si Ramon Tulfo dahil hindi umano ito humingi ng permiso mula sa korte sa pangingibang-bansa nito bilang bahagi ng entourage ni Pangulong Duterte sa China.
Lumiham din ang abogado ng dating opisyal kay National Police chief Gen. Oscar Albayalde na binibigyang-diin na dahil ang kolumnista ay mayroong nakahaing kaso ng libelo sa Manila Regional Trial Court Branch 46 ay dapat muna itong humingi ng approval sa korte bago sumama sa biyahe.
Giit ng kampo ni Aguirre, lumabag ang kolumnista sa Rule 114, Section 23 ng Rules of Court kung saan ang akusado na nakakalaya sa pamamagitan ng piyansa ay “may be re-arrested without the necessity of a warrant if he attempts to depart from the Philippines without permission of the court where the case is pending.”
Sa kasalukuyan ay apat na ang isinampang kaso ni Aguirre laban kay Tulfo kaugnay sa mga kolum na lumabas sa print at online version ng Manila Times: Una ang “Living the life of the rich and famous,” kung saan binansagan si Aguirre bilang protektor ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport at nag-issue ng circular na inalisan ng kapangyarihan si Immigration Commissioner Jaime Morente para mag-assign at mag-reassign ng mga bureau personnel. Ikalawa, ang “The ball is now in Secretary Guevarra’s Hands” kung saan sinabi na siya umano ay tumanggap ng pera mula sa nasabing sindikato kahit na nag-resign na siya bilang Justice Secretary. Pangatlo ay “Bato, a clown in the staid Senate,” kung saan sinabi na si Aguirre umano ay protektor ng sindikato. At ang ikaapat ay ang “Why Digong scrapped all PCSO franchises,” kung saan iniulat na lumobo ang bilang ng mga small-town lotteries sa kasalukuyang administrasyon upang ma-accommodate ang ilang tao kasama na si Aguirre.
Giit ni Aguirre, ang mga isinulat ni Tulfo ay pawang “malicious, libelous and defamatory.”
Maliban kay Aguirre, nagsampa rin ng kasong libelo si Executive Secretary Salvador Medialdea laban sa kolumnista dahil sa akusasyon na siya ay mayroong “unholy alliance” kay Philippine Charity Sweepstakes Office board member Sandra Cam, na inupuan niya ng isang taon ang apela para sa isang government reward money, at nanghingi siya ng pera sa pamamagitan ng isang emisaryo para ma-release ang nasabing reward.
Apela ng mga kampong kinasuhan si Tulfo, marapat lamang na patawan ng kaukulang parusa ang kolumnista sa umano’y pang-isnab nito sa kapangyarihan ng korte nang lumabas ito ng bansa nang walang permiso ng korte.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending