ARESTADO ang isang pulis matapos ang isinagawang buy-bust operationg sa Barangay Putatan, Muntinlupa City, Lunes ng gabi.
Kinilala ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang nahuling pulis na si Pat. Leo Valdez, ng Regional Mobile Force Battalion of the National Capital Region Police Office.
Nahuli si Valdez ng mga miyembro ng PNP-IMEG at Intelligence Group sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ganap na alas-10:05 Lunes ng gabi matapos umanong tumanggap ng P1,000 mula sa isang undercover buyer kapalit ng apat na sachet ng shabu.
Base sa ulat mula sa PNP-IMEG, isinagawa ang operasyon matapos namang makatanggap ng ulat kaugnay ng pagkakasangkot ni Valdez sa ilegal na droga sa lugar.
Sinabi ng pulisya na pumasok sa serbisyo ang suspek noong 2007 bagamat nag-Absent Without Official Leave (AWOL) simula 2014 dahil umano sa ilegal na paggamit ng droga.
Nakabalik si Valdez sa serbisyo noong 2017.
Sinabi ng PNP-IMEG na may mga video pa kung saan makikita umano si Valdez na gumagamit ng shabu sa dalawang okasyon.
Nakakulong si Valdez sa
PNP-IMEG sa Camp Crame, Quezon City habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa kanya.