IPINAG-UTOS ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.
Inilabas ni Manila Mayor Isko Moreno ang memorandum matapos magsagawa ng sorpresang inspeksyon sa palibot ng Maynila at nakadampot ng 22 menor-de edad na pagala-gala sa mga kalsada Linggo ng gabi.
Sa kanyang Facebook Live, ibinunyag ni Moreno na na-rescue ng mga otoridad ang 365 menor-de-edad na sumisinghot ng solvent, natutulog sa mga kalye at pakalat-kalat sa mga kalsada sa buwan lamang ng Hulyo.
“The City Council further noted that the policy of the City of Manila to promote the physical and moral well-being of children is not achieved, if not frustrated, by reason of non-cooperation and non-liability of the parents and/or guardian over the minor’s actions,” sabi ng memorandum.
Nagbabala si Moreno na nahaharap ang mga magulang mula P2,000 multa at isang buwang pagkakakulong hanggang P5,000 multa at anim na buwan na pagkakakulong.
“As I have promised you three weeks ago na maghahanap kami ng batas para panagutin ang mga magulang na pabaya sa kanilang menor de edad na anak, nagiging talamak na solvent sa manila, nagiging talamak na pagtulog ng mga bata sa kalye,” ayon pa kay Moreno.