MAITUTURING man na bata ang 12-anyos chess champion na si Woman Fide Master Antonella Berthe Racasa pinatunayan naman niya na handa siyang makipagsabayan sa anumang laban – lokal o internasyonal na kumpetisyon – para marating ang kanyang pinapangarap.
Bagamat tumapos sa ika-14 puwesto sa World Cadets Chess Championships sa Shandong, China nitong nakaraang linggo, ipinamalas ng batang chess player ang husay sa paglalaro.
Ang ipinagkaloob na karangalan ni Racasa ang nagbigay ng malaking reputasyon sa ating bansa bilang isang napakahenyo at batang player.
At bunga nito si Racasa ang napiling “Athlete of the Month” sa buwan ng Agosto ng Tabloids Organization in Philippines Sports (TOPS).
Si Racasa ang unang chess player na ginawaran ng rekognisyon ng TOPS na kinabibilangan ng mga sports editors, columnists, reporters at photographers mula sa mga pangunahing tabloid newspapers a Pilipinas.
“Although she did not win any medal this time and finished only 14th place overall, Antonella will be remembered for her many outstanding victories over higher-rated opponents in the 12-under division,” sabi ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.
“Racasa also finished with a high performance rating of 1652 compared to her FIDE rating of 1380 and gained a total of 134.4 rating points,” sabi pa ni Andaya.
Ang iba pang mahuhusay na atletang kinunsidera ng TOPS para sa buwanang parangal ay sina Aldrene Igot , Jr. (archery), Mark “Magnifico” Magsayo (boxing), Lovely Mae Orbeta (darts) at Marc Bryan Dula (swimming).
Natumbok ni Igot ang lahat ng walong gintong medalya sa boys’ archery sa 2019 Batang Pinoy National Finals sa Puerto Princesa City, Palawan habang napasakamay ni Magsayo ang World Boxing Council (WBC) Asia featherweight title.
Namuno naman si Orbeta sa ikatlong stage ng Southeast Asia Darts Tour sa Malaysia habang humablot si Dula ang limang ginto sa swimming sa Batang Pinoy.
Ang iba pang tumanggap ng buwanang parangalan mula sa TOPS ay sina Manny Pacquiao (Enero), Jasmin Mikaela Mojdeh (Pebrero), Natalie Uy (Marso), Ernest John Obiena (Abril), June Mar Fajardo (Mayo), Philippine Canoe Kayak and Dragon Boat Federation team (Hunyo) at Obiena (Hulyo).
Ang TOPS ang siya ring naghahatid ng “Usapang Sports”, ang weekly forum na ginaganap sa National Press Club at suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink, at napapanood ng live sa Facebook via Glitter Livestream.