HALOS sumakit ang tiyan ng cast members ng Pamilya Ko sa ginanap na presscon ng Pamilya Ko dahil sa pagpapalitan ng sagot nina Osang, katotong Mercy Lejarde at ang Ogie Diaz na nag-host ng event.
Itinutok ng katoto ang kanyang cellphone (nagbi-video) kay Osang habang tinatanong ng, “Hindi naman kaila na nagkaroon ka ng pamilya noon at nagkaanak. Ano ang mas magandang pamilya mo, ‘yung nakaraan mo o ‘yung karelasyon mo ngayon na kabaro mo?”
“Definitely ‘yung ngayon, kasi naman nauna naman kami kaysa ‘yung (unang pamilya). I was 15 nu’ng naging kami ni Blessy. Siya talaga ang gusto kong mapangasawa noon pa kaya nga nagkaroon ng Grace (panganay na anak) kasi gusto naming magkaanak.
“Kaya naghanap ako ng bubuntis sa akin pero hindi niya kinaya, feeling niya mahal ko ‘yung tatay kaya kami nagkahiwalay, and after 27 years nagkita ulit kami, tinuluyan ko na para hindi na makawala,” kuwento ng aktres.
“Okay naman?” balik-tanong ni Ogie. “Oo, siyempre, you should know!” pilyang sagot ni Osang.
Apat na taon nang nagsasama sina Osang at Blessy at aminado ang aktres na umayos ang buhay niya dahil sa karelasyon, “Siya kasi ang tumatayong handler ko ngayon at hindi puwede sa kanya na kapag may tinanguan ako, hindi puwedeng hindi ko siputin, doon kami mag-aaway.
“Kaya ‘yung ikinatino ng career ko ngayon utang ko rin sa kanya, ‘yung pagiging nandiyan na. At saka hindi na ako nai-stress, walang selos, basta payapa ang buhay ko sa kanya,” diretsong sabi ni Osang.
Samantala, hindi ipinakita ang aktres sa trailer ng Pamilya Ko dahil sa 5th week pa siya lalabas at may kaugnayan siya sa bawa’t kuwento ng Mabunga Family sa pangunguna nina Sylvia Sanchez at Joey Marquez. Kasama rin sa serye sina Irma Adwalan at Arci Muñoz.
Ang mga gaganap na anak naman nina Joey at Sylvia sa kuwento ay sina JM de Guzman, Kiko Estrada, Kid Yambao, Jairus Aquino, Maris Racal, Kira Balinger, Mutya Orquia at Raikko Mateo.
Mapapanood na ang Pamilya Ko sa Set. 9 bago mag-TV Patrol, sa direksyon ni Raymund Ocampo.