INAMIN ni 2nd District Quezon City Representative Alfred Vargas na nagkamali sila sa inilabas nilang pahayag tungkol sa “no homework” bill para sa mga estudyante.
Ito’y matapos umalma ang publiko, lalo na ng mga guro, sa panukalang batas na naglalayong huwag bigyan ng assignments o homework ang mga estudyanteng nasa elementary at high school.
Ito’y upang mabigyan ang mga estudyante ng sapat na panahon para makasama ang kanilang pamilya. Pero hindi ito nagustuhan ng karamihan lalo na ang ibibigay na parusa sa mga gurong lalabag kapag naging batas na nga ang nasabing bill.
Ayon sa panukala, pagmumultahin ang mga teacher ng P50,000 o kaya’y papatawan ng dalawang taong pagkakakulong kapag napatunayang guilty.
Matapos mabatikos, naglabas ng official statement si Cong. Alfred Vargas hinggil dito kasabay ng paghingi ng paumanhin. Aniya, hindi parurusahan ang mga gurong lalabag kapag naisabatas na ito.
“Humihingi ako ng paumanhin sa ating mga kababayan lalo na sa ating mga guro na naapektuhan ng pagkakamali ng aking opisina.
“Hindi po sinasadyang naisingit ang penal clause para sa ating mga mag aaral na NO HOMEWORK ON WEEKENDS bill.
“Ito po ay isang technical error at iwinawasto na po ng ating opisina.
“Kung inyo pong susuriin, mapapansin na may dalawang Section 4 na nakasama sa panukalang batas
“Ito po ang pagkakamaling nagawa. Tama po kayo, hindi ito isang krimen na kailangan ng kaparusahan.
“Tayo po ay gumagawa na ng hakbang upang iwasto ang naturang pagkakamali,” bahagi ng pahayag ng actor-politician.
Samantala, matapang ang naging pahayag ni Aiko Melendez tungkol sa nagawang pagkakamali ng kampo ni Alfred.
Sa kanyang Facebook account, sinabihan ng aktres si Cong. Alfred na mag-ingat na sa susunod para hindi na uli magkamali. Parehong taga-2nd District ng Quezon City sina Alfred at Aiko na naging konsehal din sa kanilang lugar.
Narito ang FB status ng award-winning actress hinggil sa pagkakamali ng opisina ng kongresista.
“Nagkamali daw pala ang opisina ni Cong Vargas. My take on this oo walang perpekto sa mundo.
“Pero ang pagkakamali sa isang batas na nais mo ipasa para sa bayan ay hindi biro.
“At naawa ako na ang mga guro Naten na halos kakarampot na nga ang sweldo meron pa na multa na 50k.
“Ako po ay me kapatid na guro. Bagamat guro sya sa International School at medyo nakaka angat ang sweldo sa mga guro sa public schools, Hindi pa dn tama na sila ang magdusa at magmulta.
“Ngayon babawiin nagkamali ang opisina. Cong Alfred sana sa susunod bago pumirma ng batas idouble check naman kasi buhay namen mga tax payers at mga ordinaryong mamayan ang maapektuhan.
“May this be the last bill na magkakamali ang opisina mo. #justsaying.”